-->

Alfombra

Ano ang Alfombra?


Bukod sa pagtitinda ng “balut”, isa rin sa pangunahing hanapbuhay sa Pateros ang paggawa ng mga sapatos. Dahil sa likas na pagiging malikhain at husay ng mga tao sa Pateros, sila ay nakalikha ng panibagong uri ng saplot sa paa na kung tawagin ay “Alfombra”. Ito ay malaking parte ng kultura at pamumuhay sa bayan ng Pateros.


Mula sa salitang Kastila ang “alfombra”, na nangangahulugang “karpet”. Ang mga pares ng tsinelas na ito ay isa sa pinakamainam na saplot sa paa dahil sa lambot at katangi-tanging itsura nito. Mahaba at komplikadong proseso ang pinagdaanan sa paggawa ng alfombra. Nangangailangan ito ng pagsasanay at pagkadalubhasa ng isang sapatero. Tumatagal ng ilang taon ang mga alfombra kung maganda ang pagkakayari nito.


Sa kasalukuyan, naging malamlam ang kasikatan ng mga alfombra dahil sa umusbong na popularidad ng mga tatak-dayuhan na tsinelas. Gayunpaman, karamihan sa mga taga-Pateros ay nagpatuloy sa paggawa ng mga ito upang panatilihin ang kanilang kilanlan at kultura.


Source: The Pinoy Warrior. (November 27, 2021). Alfombras of Pateros. Retrieved from http://www.thepinoywarrior.com/…/alfombras-of-pateros.html

—–
Sa pamamagitan ng Museo ng Muntinlupa at UP College of Home Economics Costume Museum, ang glosaryong ito ay magtatampok ng iba’t ibang kasuotang Pilipino, magmula sa aksesorya ng ulo hanggang sa saplot sa paa.


Mungkahing Basahin:

Sucat Barrio School

Sucat Barrio School


Ang Main Building ng Sucat (Posadas) Barrio School ay ipinalipat ng pangasiwaan ni Alkalde de Mesa. Ayon sa isang pag-aaral, ang Sucat Barrio School ay para lamang sa primaryang antas ng pag-aaral noong panahon ng mga Amerikano. Wala ring opisyal na dokumento umano ang makapagsasabi kung anong taon naitatag ang Sucat Barrio School.


Source: Basilla, E. History of Selected Public Elementary Schools in Muntinlupa, 1905-1941.
Courtesy of Muntinlupa-Public Information Office


Kasama ang Muntinlupa Public Information Office, inihahandog namin ang “Mga Pamanang Larawan”, kung saan tampok ang mga lumang larawan mula sa mga Muntinlupeño. Ito ay kabilang sa Museo Community Program. Ang Museo Community ay isa sa dalawang pangunahing programa ng Museo ng Muntinlupa. Sa programang ito, layunin ng Museo na hikayatin ang publikong makilahok sa pagsulat ng kanilang sariling kasaysayan at sumali sa mga talakayan.


Mungkahing Basahin:

Taya

Taya


  • Kalaban ng lahat ng mga kalaro.

  • Halimbawa, ang taya sa tumbang preso ang nakabantay sa lata.


Mungkahing Basahin:

Panunumpa sa Inang Kalikasan

Panunumpa sa Inang Kalikasan

Inang Kalikasan, oses ko’y dinggin,
Karaniwang tao man, may magagawa rin.
Dahil lahat ng biyaya ay sa’yo galing,
Ang alagaan ito ay aming tungkulin.

Ang kanang kamao sa dibdib ay ipapatong,
Para sa panata na aming isusulong.
Maling kaugalian ay aming iiwasan,
Tulad ng pagtatapon sa kung saan-saan.

Iiwasan di namin ang pagsasayang,
Dahil biyaya mo ay isang kayamanan.
Sasawayin ang mga maling makikita,
hindi kami papayag na tuluyan kang masira.

Magtatanim ng halaman kung kinakailangan,
Bawat dahon at bulaklak ay pahahalagahan,
dahil preskong hangin ang laging dala,
ng mga puno at halaman mong kaygaganda.

Bagama’t hindi lahat ikaw ay iingatan,
Kami ay nanunumpa, Inang Kalikasan,
Kasama ng iba pang mga kabataan,
Luntiang pamana mo’y aking babantayan.

Ang layuning ito ay handa nang simulan,
Tatayong saksi
ang isang bagong bakuran.

Nanay Tatay

“Nanay Tatay” is a popular clapping game to test one’s concentration. Do your kids know the words to Nanay Tatay, as well as other clapping games?


Nanay Tatay

Nanay Tatay
gusto ko tinapay
Ate, Kuya,
gusto kong kape
Lahat ng gusto ko
ay susundin nyo.
Ang magkamali ay
pipingutin ko.


Mungkahing Basahin:

Philippine Moomoos

Philippine Moomoos


Halina’t kilalanin ang ating sariling mga halimaw!


Mula sa maliliit na tiyanak, hanggang sa higanteng kapre, alamin natin ang kanilang mga katangian at kinaaayawan.


Manananggal

May kakayahan ang mga manananggal na ihiwalay ang kalahati ng kanilang katawan at lumipad gamit ang kanilang mga mala-paniking pakpak. Mayroon silang mahahabang dila na ginagamit nila bilang panipsip ng dugo ng mga sanggol sa sinapupunan.


Ang panabla sa mga manananggal ay asin, abo, buhangin, at bawang. maaaring ibudbod ang mga ito sa kanilang laman-loob upang manatiling hiwalay ang kanilang katawan sa pagsikat ng araw.


Tikbalang

Maliksi ang mga Tikbalang dahil sila ay kalahating tao at kalahating kabayo. Mahaba ang kanilang mga biyas at bihasa rin ang katawan nila sa palakasan.


Upang mapaamo ang isang tikbalang, kailangang gumawa ng anting-anting mula sa kangyang gulugod o kaya naman ay talunin siya sa palakasan. Mainam na baliktarin din ang damit upang hindi maligaw kung maglalakad sa kanilang teritoryo.


Bakunawa

Si Bakunawa ay isang higanteng halimaw na naninirahan sa kailaliman ng dagat. Sinasabing kinain ng Bakunawa ang anim sa pitong buwan na mayroon ang mundo.


Upang mapigilan si Bakunawa sa pagkain ng natitirang buwan, nag-iingay ang mga tao sa pamamagitan ng pagsigaw at pagkalampag ng mga bagay na malakas magbigay ng tunog.


Diwata

Ang mga Diwata ay tinuring na diyosa ng kagubatan. Sila ang mga engkantada na naatasan sa pag-aalaga sa kalikasan.


Wala dapat ikatakot sa mga Diwata kung nirerespeto mo naman ang kalikasan ng lugar na sakop nila. Ngunit, kung pinili mo gumawa ng mali sa kalikasan, asahan ang paghihigante ng mga Diwata.


Tiyanak

Ang mga Tiyanak ay nagmula sa kaluluwa ng mga pinalaglag na sanggol. Nililinlang nila ang kanilang mga biktima sa pamamagitan ng paggaya ng iyak ng normal na sanggol.


Takot ang mga Tiyanak sa bawang at sinag ng araw. Upang sila ay tuluyan na mapuksa dapat maisaayos ang paglibing sa kanila par a tumahimik na ang kanilang kaluluwa.


Kapre

Ang mga Kapre ay mga higanteng naninirahan sa mga matataas na puno. Sila ay kayumanggi , mabuhok, at mukhang madungis.Kadalasan, sila ay naninigarilyo ng malalaking tabako habang nakasuot ng bahag na nagbibigay kakayahan sa kanila na hindi maaninag ng tao.


Nakakatakot man ang kahilang kalakihan, hindi sila kilala sa paggawa ng masama. Baliktarin mo na lang ang iyong damit upang makasigurado sa iyong kaligtasan sa paglalakbay.


Aswang

Ang mga Aswang ay may kakayahan mag palit-anyo. Tuwing araw, kaya nila magmukhang normal na tao. Ngunit tuwing gabi, nilalabas nila ang tunay nilang anyo upang makahanap ng taong makakain.


Ang panabla sa mga Aswang ay bawang at holy water. Dapat din mag-ingat sa mga itim na ibon o aso dahil baka Aswang pala ito.


Mungkahing Basahin:

 

Tiklado

tiklado



Ano ang Tiklado?


“Alam niyo ba na “tiklado” ang tawag sa hanay ng mga nota ng piyano?


Mayroong walumpu’t walong (88) tiklado ang isang istandard na piyano. Limampu’t dalawa (52) rito ay puti, at dalawampu’t anim (26) naman ay itim.


Binubuo ito ng pitong (7) oktaba, kung saan ang isang oktaba’y mayroong pitong (7) puting tiklado at limang (5) itim na tiklado.


Mungkahing Basahin:

Sino si Mamerto Natividad Jr.?

Sino si Mamerto Natividad Jr.?


Mamerto Natividad Jr.

(1871-1897)


Isinilang sa Bacolor, Pampanga, 12 Hunyo 1871.


Kabiyak ni Delfina Herbosa, pamangkin ni Dr. Jose Rizal at katulong na tumahi ng unang pambansang watawat sa Hongkong.


Tenyente Heneral ng hukbong rebolusyonaryo sa Gitnang Luzon, 6 Hunyo 1897. Kasama sa mga labanan sa Nueva Ecija at Bulacan. Isa sa mga lumagda sa Konstitusyon ng Biak-na-Bato, 1 Nobyembre 1897.


Tumutol sa panukalang kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng Pilipinas at Espanya.


Nasawi sa labanan sa Cabiao, Nueva Ecija, 9 Nobyembre 1897.



Mungkahing Basahin:

Sino si Jose Felipe del Pan?

Sino si Jose Felipe del Pan? 


Jose Felipe del Pan
(1821-1891)

Kawani at opisyal ng pamahalaang kolonyal, peryodista at manunulat. Isinilang sa Lungsod ng A Coruña, Galicia, Espanya, 26 Mayo 1821.

Dumating sa Pilipinas, 1855.

Naging kawani at kalihim sa pangasiwaan ng tanggapan ng Gobernador-Heneral ng Pilipinas, 1855-1865. Hinirang na Konsehal at Alkalde ng Ayuntamiento ng Maynila at Kagawad sa iba’t ibang mga tanggapan ng pamahalaan.

Naging kasapi ng mga samahang sibiko at ng komisyong nagpanukala ng mga reporma sa pamamalakad ng pamahalaan sa Pilipinas, 1869-1871.

Itinalagang patnugot ng mga pahayagan

Gaceta Oficial, 1860-1865,

Diario de Manila, 1860-1877,

Revista de Filipinas, 1875-1877, at

La Oceania Española, 1877-1891.

Sumulat at naglathala ng mga aklat, artikulo, sanaysay, at nobela na naglarawan sa kalagayang panlipunan at kultura ng Pilipinas noong ika-19 dantaon.

Nagpasulong ng pag-aaral ng kaalamang-bayan. Nagsilbing tagapatnubay kina Isabelo delos Reyes, Mariano Ponce at iba pang bantog na Pilipinong peryodista.

Yumao. Nobyembre 1891.


Mungkahing Basahin:

 

Sino si William Henry Scott?

Sino si William Henry Scott?


William Henry Scott

(1921-1993)


Misyonero, Historyador, Manunulat, at Guro. Isinilang sa Detroit, Michigan, 10 Hulyo 1921. Nanilbihan sa Hukbong Dagat ng Estados Unidos noong ikalawang digmaang pandaigdig at digmaan sa Korea. Naging Misyonero ng simbahang Episkopal at guro ng wikang Ingles sa Tsina. Dumating at tuluyang nanirahan bilang misyonero at guro sa Saint Mary’s School, Sagada, Mountain Province, 1954. Nagsagawa at naglathala ng masusing pag-aaral tungkol sa mga sinaunang kasaysayan at kulturang Pilipino lalo na sa mga katutubong pamayanan ng rehiyong Cordillera. Naging Propesor at tagapanayam sa iba’t ibang mga pamantasan at dalubhasaan sa Pilipinas. Ibinilanggo sa paratang na Subersion nang ideklara ang Batas Militar, 1972. Pinawalang sala ng korte, 1973. Yumao sa Lungsod Quezon, 4 Oktubre 1993. Inilibing sa sementeryo ng simbahan ng Saint Mary The Virgin, Sagada.


Mungkahing Basahin:

Sino si Jose Maria Zaragosa?

Sino si Jose Maria Zaragosa?


Isinilang si Jose Maria Zaragosa noong Disyembre 6, 1912.


Isa sa mga naging Pambansang Alagad ng Sining sa Pilipinas pagdating sa larangan ng Arkitektura si Jose Maria Zaragoza, na ngayong araw, Disyembre 6, ay ang kanyang ika-109 taong kaarawan. Ipinanganak siya bilang si Jose Maria Velez Zaragoza noong 1912 sa Quiapo, Maynila.


Nagtapos siya ng kursong Architecture sa University of Santo Tomas noong 1936 at naging pampito sa licensure exams noong 1938. Nagkaroon rin siya ng diploma sa liturgical art and architecture sa International Institute of Liturgical Art sa Roma, Italya at diploma sa comprehensive planning sa Hilversun Technical Research Center sa Netherlands. Namulat man sa istilong Amerikano ng arkitektura, mas naging interesado si Zaragoza sa mga istilong Europeo ng arkitektura.


Mga simbahan ang naging sentro ng obrang pang-arkitektura ni Zaragoza, kung saan ilan sa mga idinisenyo niya ang mga simbahang gaya ng Our Lady of the Holy Rosary sa Caloocan na itinayo noong 1950, Santo Domingo Church sa lungsod ng Quezon at Villa San Miguel sa Mandaluyong noong 1954, Pope Pius XII Center sa Maynila noong 1958, at siya rin ang nagdisenyo sa extension ng simbahan ng Quiapo sa Maynila noong 1984, na umani ng kontrobersya. Siya rin ang nagdisenyo ng unang gusali ng Union Church of Manila na naipatayo noong 1975, na ibinatay ang disenyo sa gusali ng Philippine Exhibition Hall sa New York, pero giniba rin iyon para tayuan ng bagong gusali. Siya rin ang nagdisenyo ng Meralco Building at isa sa mga arkitekto ng gusali ng Pambansang Aklatan ng Pilipinas at ng nagsarang Bataan Nuclear Power Plant. Sa kabuuan, nagdisenyo si Zaragoza ng 45 mga simbahan, 32 gusaling pampubliko, apat na hotel, dalawang ospital, limang mga housing projects at mahigit 270 kabahayan.

Paano namatay si Juan Luna?

Paano namatay si Juan Luna?


Si Juan Luna ay namatay dahil sa atake sa puso.


Taong 1899, dalawang bantog na magkapatid ang nasawi, ang dakilang heneral na si Antonio Luna na pinaslang noong ika-5 ng Hunyo, at ang kanyang kuya na si Juan na premyadong pintor ng kanyang panahon na gumuhit sa mga obrang pumukaw sa entablado ng sining sa Europa. Pumanaw si Juan Luna sa araw na ito, at sa Hong Kong na siya inabutan ng kanyang biglaang pagkamatay sa edad na 42.


Noong panahong iyon, mula siya sa bansang France upang magsilbing diplomat kasama sina Sixto Lopez upang hingin ang pagkilala ng pamahalaang Pranses sa bagong tatag na unang republika ng Filipinas, at nais niyang makauwi sa ating bansa matapos mabalitaan ang pagpatay ng kapwa Filipino sa kanyang bunsong kapatid. Ngunit dahil sa atake sa puso ay sa Hong Kong na siya binawian ng buhay.


Pinaglamayan siya ng kanyang mga kababayan at mga kaibigang naroon na nagulat sa kanyang biglaang pagkamatay, at ayon kay Mariano Ponce ay maayos pa at malakas ang sikat na pintor. Dahil dito ay umigting ang tsismis na hindi ito namatay sa atake sa puso kundi nilason, at ang pamilya ni Pardo de Tavera ang itinuturong nagsagawa ng pagpatay kay Juan Luna upang ipaghiganti ang pagkamatay ni Paz Pardo de Tavera na kanyang asawa at biyenang si Juliana Pardo de Tavera sa kanyang sariling kamay. Ngunit mariing itinatanggi ng mga Pardo de Tavera ang naturang akusasyon.


Matapos ilibing sa Hong Kong si Juan Luna ay ipinahukay ng kanyang panganay na si Andres Luna ang mga labi ng kanyang ama noong 1920 at inilipat sa tahanan nina Andres bago muling inihimlay ang mga buto ni Juan sa crypt ng simbahan ng San Agustin sa Intramuros, Maynila.


Sanggunian:
• FilipiKnow (2020, December 29). Juan Luna: was the legendary painter murdered?. FilipiKnow.net. https://filipiknow.net/death-of-juan-luna/
• Wikipedia (n.d.). Juan Luna. https://en.m.wikipedia.org/wiki/Juan_Luna

Ang simula ng paglilitis kay Jose Rizal

Ang simula ng paglilitis kay jose Rizal


Sinimulan ang paglilitis kay Jose Rizal noong Disyembre 6, 1896.


Higit isang buwan nang nasa Maynila si Dr. Jose Rizal bilang incommunicado sa Fort Santiago, at sa araw na ito, Disyembre 6, noong 1896, sinimulan ng pamahalaang kolonyal ng Espanya sa Pilipinas na litisin ang ating Pambansang Bayani sa harap ng isang hukumang militar.


Bagama’t isang sibilyan, isinakdal pa rin si Dr. Rizal sa hukumang militar dahil umiiral pa rin noong mga panahong iyon ang Batas Militar na ipinroklama ni Gobernador-Heneral Ramon Blanco.


Ika-20 ng Nobyembre, 1896 nang sinimulan ang paunang imbestigasyon kay Dr. Rizal, kung saan iprinisenta sa kanya ni Don Enrique de Alcocer ang 14 na mga “ebidensya” na nakalap ng mga otoridad para idiin siya bilang may pakana sa nangyayaring Rebolusyon. Kasama sa mga ebidensyang iyon ang mga salaysay ng ilang mga Pilipinong gaya nina Dr. Pio Valenzuela, Aguedo del Rosario, Deodato Arellano at Martin Constantino.


Si Kapitan Rafael Dominguez ang nagsilbing huwes sa paglilitis na iyon laban kay Dr. Rizal, kung saan isinakdal siya sa mga kasong gaya ng rebelyon, sedisyon at sabwatan laban sa pamahalaang kolonyal.


Ayon kay Kapitan Rodriguez, si Dr. Rizal ang punong tagapagtaguyod at buhay na diwa ng Rebolusyong Pilipino, siya ang nagtatag ng mga lihim na organisasyon at mga subersibong propaganda laban sa pamahalaang kolonyal at nagtaguyod ng mga pilibusterong ideya sa mga Pilipino, at siya rin ang pinuno ng mga kilusang nagtataguyod ng kalayaan ng Pilipinas mula sa Espanya.


Ipinag-utos naman ni Gobernador-Heneral Ramon Blanco na ibigay sa Auditor General de Guerra na si Nicolas de la Peña ang kaso ni Dr. Rizal.


Sa unang pagsalang kay Dr. Rizal sa hukumang militar, inirekomenda ni Kapitan Rodriguez at ni De La Peña na ikulong pa rin ang nasasakdal, at pagbayarin siya ng danyos na aabot sa isang milyong piso. Inaprubahan rin ni Kapitan Rodriguez ang mosyon ni De La Peña na isang opisyal ng militar at hindi sibilyan ang tatayong abogado para kay Dr. Rizal, at si Don Enrique de Alcocer ang magsisilbing tagausig sa nasasakdal.

Unang Obispo ng Maynila

Ang Pagpanaw ng Unang Obispo ng Maynila

Sa araw na ito, Disyembre 4, noong 1594, pumanaw sa edad na 82 ang Espanyol na Obispo ng Maynila na si Domingo de Salazar sa Intramuros, lungsod ng Maynila. Si Obispo De Salazar ay naging unang Obispo ng Maynila, nang italaga siya ni Haring Felipe II ng Espanya at kinumpirma ito ni Santo Papa Gregory XIII.


Ipinanganak sa La Rioja sa Espanya noong bandang 1512, una siyang naglingkod bilang Obispo ng Madrid noong 1579, at sa basbas ni Papa Gregory XIII, nagsimula ang kanyang panunungkulan bilang Obispo ng Maynila nang dumating siya sa ating bansa noong 1581.


Sa kanyang pamumuno ay pinangasiwaan niya ang pagtatayo ng Manila Cathedral sa loob ng Intramuros, at naging anghel dela gwardya ng mga karaniwang Pilipino, dahil ipinagtatanggol niya ang mga ito laban sa pagsasamantala ng mga encomendero. Tumulong rin siya sa pagtatayo ng mga ospital na para sa mga Pilipino at sa pagtatayo ng Colegio de Santa Potenciana.


Para sa kanyang natatangi at magandang serbisyo sa Pilipinas, itataas sana ang kanyang ranggo bilang Arsobispo ng Maynila, pero hindi na niya naabutan ang kautusang mula sa Santo Papa nang pumanaw na siya. Nang pumanaw siya, humalili sa kanya si Ignacio Santibanez bilang unang Arsobispo ng Maynila. Inihimlay si Obispo de Salazar sa isang crypt sa simbahan ng Santo Tomas sa Madrid, Espanya.


Sanggunian:
• Finegan, P. (1912). Domingo de Salazar. In The Catholic Encyclopedia. New York: Robert Appleton Company. Retrieved December 4, 2021 from New Advent: http://www.newadvent.org/cathen/13395b.htm
• The Kahimyang Project (n.d.). Today in Philippine history, December 4, 1594, Msgr. Domingo de Salazar died. https://kahimyang.com/kauswagan/articles/793/today-in-philippine-history-december-4-1594-msgr-domingo-de-salazar-died-


Mungkahing Basahin:

Sino si Ambrosio Rianzares Bautista?

Sino si Ambrosio Rianzares Bautista?


Ambrosio Rianzares Bautista — ang abogado at rebolusyonaryo na may-akda ng Acta de Proclamacion dela Independencia del Pueblo Filipino, na kanya namang binasa noong ika-12 ng Hunyo 1898 sa mansyon ni Heneral Emilio Aguinaldo bago iwinagayway ang pambansang watawat ng ating bansa upang ipahayag ang kalayaan ng Pilipinas mula sa kolonisasyon ng Espanya. Ngayong araw, Disyembre 4, ay ika-118 taon na ang nakararaan mula nang pumanaw siya sa edad na 72 sa lungsod ng Binan, Laguna.


Pumanaw si Ambrosio Bautista noong Disyembre 4, 1903.


Tubong Binan, Laguna, ipinanganak siya sa isang maykayang mag-asawa na sina Gregorio Enriquez Bautista at Silvestra Altamira noong ika-7 ng Disyembre, 1830. Nakapag-aral siya ng abogasya sa University of Santo Tomas at nagtapos noong 1865. Libreng inaalok ni Don Ambrosio ang kanyang serbisyo bilang abugado sa mga mahihirap sa Maynila at Bulacan.


Nang itatag ni Dr. Jose Rizal ang La Liga Filipina ay naging kasapi siya nito at isa sa mga bumuo sa Cuerpo de Compromisarios nang mabuwag sa dalawa ang La Liga. Nang mag-aklasan ang mga Pilipino laban sa Espanya noong 1896 ay isa si Don Ambrosio sa mga dinakip na Pilipinong ilustrado na pinaghinalaang tagasuporta ng himagsikan at ikinulong sa Fuerza de Santiago, pero nakalaya rin nang depensahan niya ang sarili sa hukuman.


Nang mapunta siya sa hanay ni Heneral Emilio Aguinaldo ay si Don Ambrosio ang naging unang tagapayong pulitikal niya, at itinalaga siya bilang Auditor de Guerra. Taliwas sa popular na kultura, si Don Ambrosio ang nagprisenta at nagwagayway ng ating pambansang bandila sa Kawit, Cavite sa saliw ng Marcha Nacional Filipina at hindi si Heneral Aguinaldo.


Nang itatag na ang Unang Republika ng Pilipinas ay itinalaga si Don Ambrosio bilang solicitor general ng pamahalaan ni Pangulong Aguinaldo. Itinalaga rin siya bilang pangulo ng Kongresong Rebolusyonaryo sa Tarlac at naging hukom sa Court of First Instance sa Pangasinan.


Sanggunian:
• The Kahimyang Project (n.d.). Today in Philippine history, December 7, 1830, Ambrosio Rianzares Bautista, lawyer and Gen. Emilio Aguinaldo confidante, was born in Biñan, Laguna. https://kahimyang.com/kauswagan/articles/799/today-in-philippie-history-december-7-1830-ambrosio-rianzares-bautista-lawyer-and-gen-emilio

Sino si Luis Perez Dasmariñas?

Itinalaga bilang Gobernador-Heneral ng Pilipinas si Luis Perez Dasmariñas noong Disyembre 3, 1593.


Maaalalang pinaslang ng mga rebeldeng Tsino si Gobernador-Heneral Gomez Perez Dasmariñas habang nakadaong ang kanyang barko sa Batangas, at habang walang ipinapadalang bagong mamumuno sa Pilipinas, itinalaga bilang pansamantalang Gobernador-Heneral ng ating bansa ang kanyang anak na si Luis Perez Dasmariñas sa araw na ito, Disyembre 3, noong 1593.


Ang pagkakatalaga rin kay Luis Perez bilang Gobernador ay ayon na rin sa liham na nakuha mula sa bangkay ng kanyang ama na nagsasaad na nais niyang maging kahalili niya ang kanyang anak.


Sa ilalim ng pamumuno ni Gobernador-Heneral Luis Perez Dasmariñas, napaganda niya muli ang Maynila at nagpatayo rin siya ng mga bahay-ampunan at tahanan para sa mga inabandonang mga matatanda. Sa kanyang rehimen rin nasakop bilang probinsya ng Pilipinas ang mga lalawigan ng Cagayan, Isabela at Nueva Vizcaya.


Ang opisyal na Espanyol na si Antonio de Morga, na kalauna’y ang magiging awtor ng unang aklat ng kasaysayan ng Pilipinas ayon sa persepsyon ng isang Espanyol, ay dumating rin sa Pilipinas at naging Lieutenant-General ni Gobernador Luis Perez Dasmariñas.


Pinamunuan rin ni Gobernador Luis Perez Dasmariñas ang mga kampanya ng pwersang Espanyol sa Mindanao at hanggang sa Cambodia, pero wala ring napatunguhan ang mga iyon. Tatlong taong pinamunuan ni Luis Perez Dasmariñas ang ating bansa bago siya pinalitan ni Francisco Tello de Guzman noong ika-14 ng Hulyo, 1596.


Nanatili pa rin siya sa Pilipinas at nanirahan sa Binondo, Maynila. At gaya ng kanyang ama, nagwakas rin sa kamay ng mga rebeldeng Tsino ang kanyang buhay sa nangyaring rebelyong Sangley noong Oktubre 1606.


Sanggunian:
• The Kahimyang Project (n.d). Today in Philippine History, December 3, 1593, Luis Perez Dasmariñas became Governor-General. https://kahimyang.com/kauswagan/articles/1381/today-in-philippine-history-december-3-1593-luis-perez-dasmari-as-became-governor-general

Ang lindol sa Luzon noong 1645

Ang lindol sa Luzon noong 1645


Pasado alas-8 ng gabi sa araw na ito, Nobyembre 30, noong 1645, niyanig ang halos buong Luzon ng isa sa mga pinakamapaminsalang lindol sa ating kasaysayan. Naitala ang epicenter ng lindol na ito sa ilalim ng San Manuel at Gabaldon Faults sa bayan ng Gabaldon, Nueva Ecija, na lumikha ng magnitude na 7.5 na lindol.


Bagama’t sa Nueva Ecija ang sentro ng lindol noong gabing iyon, naitala sa lungsod ng Maynila ang pinakamatinding pinsala ng nangyaring lindol, na sinundan pa ng aftershock noong ika-4 ng Disyembre.


Sa Intramuros pa lang, nawasak ang mga gusali sa loob ng pader, simbahan man o mga opisina ng pamahalaang kolonyal. Mahigit 600 katao ang namatay at mahigit 3,000 iba pa ang nasugatan sa pagtama ng lindol na iyon.


Ang mga prayleng Espanyol, na naging mga pansamantalang doktor sa mga nabiktima ng lindol noong mga araw na iyon, ay nagawang siningitan ng paniniwalang panrelihiyon ang dahilan ng pagtama ng lindol. Anila’y ipinadala ng Diyos ang lindol na iyon para parusahan ang mga makasalanan at hindi sumusunod sa Diyos. Ang nangyaring lindol sa Luzon noong 1645 na dumurog sa Maynila ay isa lang sa mga pinakamalakas na lindol na naitala sa Pilipinas.


Sanggunian:
• Mojaro, J. (2020, June 16). The Manila earthquake of 1645. The Manila Times. https://www.manilatimes.net/2020/06/16/opinion/columnists/the-manila-earthquake-of-1645/732012
• Wikipedia (n.d.). 1645 Luzon earthquake. https://en.m.wikipedia.org/wiki/1645_Luzon_earthquake


Mungkahing Basahin:

Ang pagsalakay ni Limahong sa Maynila

Ang pagsalakay ni Limahong sa Maynila


Sa ating pambansang kasaysayan, isa sa mga bukambibig na pangalan partikular na sa mga unang taon ng kolonisasyon ng Espanya sa Pilipinas ang pangalang “Limahong” (sa mga ibang kasulata’y si Lim-A-Hang, Lim Hong, Lin Feng at Ah Hong), isang piratang Tsino noong ika-16 siglo na tinangkang sakupin mula sa mga Espanyol ang Pilipinas.


At sa araw na ito, Nobyembre 29, noong 1574, bisperas ng kapistahan ni San Andres, naharap ang kabisera ng pamahalang kolonyal ng Espanya sa Pilipinas sa banta ng pananakop ng piratang Tsino na ito, nang mahigit 700 tauhan ni Limahong ang lumapag sa Malate, Maynila.


Armado ng mga arquebus, piko, sibat, palakol at itak, nagmartsa sila sa pangunguna ni Limahong papunta sa mga pader ng Intramuros, kung saan nakasagupa nila ang mga sundalong Espanyol na pinamunuan ni Martin de Goiti. Napatay nina De Goiti ang 80 Tsino, habang 14 Espanyol, kabilang na si De Goiti, ang napatay sa labanang iyon, at sa laki ng mga nawala kina Limahong, napilitang umatras ang mga Tsino mula Malate papuntang Cavite.


Makalipas ang tatlong araw, bumalik sina Limahong sa Maynila, na ngayo’y mas malakas at armado ng mga kanyon ang kanilang mga barko. Pinaputukan nila ang mga itinayong depensa ng mga Espanyol sa Maynila na pinangunahan nina Juan de Salcedo at 50 sundalo. Nabasag man nina Limahong ang kutang ito, nagapi ulit sila sa lupa, at bago sila umatras ulit sa Maynila, tinupok muna nila Limahong ang isang barkong Espanyol at ang simbahan ng San Agustin sa Intramuros. Tuluyan nang umatras sina Limahong mula Maynila pabalik ng lalawigan ng Ilocos pero nagpasyang magtayo muna ng kuta sa lalawigan ng Pangasinan, sa bukana ng ilog Agno sa kasalukuyang bayan ng Lingayen.


Samantala, hinabol naman sina Limahong ni Juan de Salcedo, kasama ang 256 Espanyol at 2,500 katutubo, at sinalakay nila ang kuta ni Limahong sa Lingayen noong ika-30 ng Marso, 1575.

Sili Con Tablea

Sili Con Tablea


Naghahalo ang tamis at anghang,
pero lagi kong sabi na ayos lang.


Sa lamig ng sorbetes na panlaban,
SILI CON TABLEA para sa matapang.


Pinagmulan: @museopambata


Mungkahing Basahin:

Kumusta

Ang salitang KUMUSTA ay nagmula sa salitang Espanyol na “cómo está” na nangangahulugang “How are you?”. Ito ang madalas nating sabihin sa tuwing may binabati tayong kamag-anak, kaibigan, o kakilala.


Kaya naman ngayong Buwan ng Wika, tuklasin natin ang mga katutubong salita na katumbas ng pagsasabi ng: “Kumusta?”


Mayroon din ba kayong sariling pamamaraan ng pagbati at pangangamusta bukod sa mga nabanggit? Ibahagi n’yo rin sa amin.

  • Maphod an algo? – Ifugao
  • Kaw maalen wa asin? – Alangan Mangyan, Mindoro
  • Maayad nga adlaw! (magandang araw) – Panay Bukidnon, Panay Island
  • Saingeru? – Yakan Basilan
  • Mauno na kaw? – Sama Badjao, Tawi-Tawi


Mungkahing Basahin: