On
Ang pagpatay ni Juan Luna sa kanyang asawa na si Paz Pardo De Tavera


Isang karumal-dumal na krimen ang nangyari sa bahay ng mag-asawang Juan Luna at Paz Pardo de Tavera sa araw na ito noong 1892,   ng bantog na Pilipinong pintor. Magpahanggang ngayon ay magkaiba bersyon ng mga kaanak ng mga Luna at Pardo de Tavera sa pangyayaring iyon.


Sa kanilang bahay sa Villa Dupont sa Paris, France, nagkaroon ng matinding pag-aaway ang mag-asawang Luna at Pardo de Tavera, dahil sa hindi makontrol na pagseselos ni Juan kay Paz na pinaghihinalaan niyang kinakaliwa siya. Dumalaw noon sa bahay nila ang mga lalaking kapatid ni Paz na sina Felix at Trinidad at kaibigan ng pamilya na si Antonio Ma. Regidor para lang kumustahin ang mag-asawa at pahupain ang kanilang gusot. Pero sa halip na mapakalma si Juan, lalo itong nagalit lalo na nang nagkulong sa kanyang kwarto si Paz na pinalala pa ng presensya ni Regidor, ang lalaking ipapakasal sana kay Paz.


Habang nasa kwarto ni Paz, nasisigaw naman ng saklolo ang ina niyang si Juliana Pardo de Tavera sa bintana ng kanilang bahay. Hindi na makontrol ni Juan ang bugso ng emosyon at pinaputukan ni Juan gamit ang kanyang rebolber ang dalawang kapatid ni Paz, at pinagbabaril nIya pintuan ng kwarto. Nasa likuran lang ng kwarto sina Paz at Juliana Pardo de Tavera, kaya napatay sila sa pamamaril. Lahat nang iyon ay nasaksihan ng anak ni Juan na si Andres. Dumating ang mga pulis sa pinangyarihan ng insidente at inaresto nila si Juan. Naging laman ng mga pahayagan at ng media ang paglilitis kay Juan Luna sa salang pagpatay, at sa kanyang paglilitis, ipinaglaban ng kanyang abugado na ang kanyang kliyente na isang “sauvage” o mula sa mabababang uri ng lahi ay hindi dapat parusahan. Dinepensa rin ni Juan ang sarili, na sinabing pansamantala siyang nawala sa sarili dahil sa galit. Sa huli, itinuring ng hukumang Pranses na isang “crime of passion” ang kanyang nagawang krimen, na may mababang parusa. Nahatulan lang siyang makulong sa loob ng kalahating taon at napalaya rin, sa isang nakakababa at nakakahiyang paraan.


Sinasadya man o hindi ang pamamaril ni Juan Luna sa kanyang asawa at biyenan, tiyak na habambuhay nang nadungisan ng dugo ng kanyang mahal ang kanyang iniingatang reputasyon at popularidad.

Nagkakilala at nagka-ibigan sina Juan Luna at Paz Pardo de Tavera habang nasa Paris sila. Tutol man si Juliana sa pakikipagrelasyon ng kanyang anak kay Juan, nagpakasal pa rin sila noong Disyembre 1886, at nagbunga ng dalawang anak ang kanilang pagsasama, sina Andres at Maria. Pero nang namatay sa sakit ang kanilang bunsong anak, lalong nanlamig ang pagsasama ng dalawa at doon na nagsimula ang mga sisihan at pag-aaway ng dalawa, na minsan ay nauuwi sa pisikal na pananakit. Nariyan ring pinagseselosan ni Juan ang doktor at kaibigan ni Paz na tumutulong sa kanyang malabanan ang lungkot dulot ng pagpanaw ng kanyang anak. Sinasabing noong mga panahong iyon ay nakaranas si Juan ng matinding depresyon bunsod ng pagkamatay ng kanyang bunsong anak. Ang matindi at ‘di makontrol na pagseselos ni Juan Luna ang nagsilbing mitsa sa trahedya sa kanyang sariling pamilya, sa sarili niyang kamay.


Sanggunian:
• Limos, M. A. (2019, June 18). The darker life of Juan Luna: a tale of jealousy and murder. Esquire Philippines. https://www.esquiremag.ph/long-reads/features/life-of-juan-luna-a00293-20190618-lfrm
• Wikipedia (n.d.). https://en.m.wikipedia.org/wiki/Juan_Luna#:~:text=On%20December%204%2C%201886%2C%20Luna,she%20was%20three%20years%20old


Mungkahing Basahin: