Spoliarium
Isa itong oleo sa kambas na may sukat na 4.22 metro x 7.675 metro. Tinapos ni Luna ang pintura sa loob nang walong buwan. Noong Mayo 1884, itinanghal ito sa Exposicion de Bellas Artes sa Madrid at ginawaran ng gintong medalya.
Salitang Latin ang spoliarium na tumutukoy sa pinakamababang palapag ng koliseo ng mga Romano. Dito ang tambakan ng mga talunan at namatay na gladyador.
Sa spoliarium din sila hinuhubdan ng sandata at kalasag. Ito mismo ang itinatampok na eksena sa Spoliarium ni Luna: ang masaklap na hantungan ng talunan.
Nasa gitna ng pintura ang mga bangkay ng gladyador na hinahatak ng mga sundalong Romano. Nasa kaliwang bahagi ang mga manonood sa tagpo. Nakaabang ang ilan habang nakatitig sa mga bangkay.
Isa sa mga sundalong may hatak na katawan ang hinaharangan ang isang manonood gamit ang kaniyang braso. Sa kanang bahagi ng pintura, makikita ang isang matandang lalaking may tangang sulo. Malapit sa kaniya ang isang babaeng nakahandusay sa sahig at umiiyak.
Marami ang nagpapakahulugan sa obra, kabílang na sina Jose Rizal at Graciano Lopez-Jaena, bilang sagisag ng kalunos-lunos na kalagayan ng mga Filipino sa ilalim ng mga Espanyol.
Naging bahagi ang Spoliarium ng mga pagtatanghal sa Roma, Madrid, at Paris. Noong 1885, binili ito ng pamahalaang-panlalawigan ng Barcelona sa halagang 20,000 peseta.
Dumaan ang pintura sa mahabang siklo ng pagkasira, restorasyon, at paglipat sa iba’t ibang museo. Sa kasalukuyan, nakatanghal ang obra maestra sa Pambansang Museo kasama ng ibang pintura ni Luna.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Spoliarium "