Pasyon
Ang pasyon ( pasion) ay tulang pasalaysay ng buhay, kamatayan, at muling-pagkabuhay ni Hesukristo. Sa kabuuan, ang pasyon bilang isang likhang pampanitikan ay pangunahing nagtatampok sa salaysay ng paghihirap ni Hesus. Bilang isang tula, ang anyo ng saknong ng pasyon ay binubuo ng limang taludtod, katulad ng quintilla ng mga Espanyol, ngunit may isahang tugma at bawat taludtod ay may sukat na wawaluhin. Nakabatay sa pasyon ang dulang senákuló na itinatanghal din kung Mahal na Araw.
Itinuturing na unang patulang pasyon sa Filipinas ang Mahal na Passion ni Jesukristong Panginoon Natin na Tola (1703) Gaspar Aquino de Belen, isang makatang taga-Rosario, Batangas na naglingkod sa imprenta ng mga Heswita. Inilathala ito karugtong ng salin niya sa Recomendacion del alma, isang manwal hinggil sa paghahabilin ng kaluluwa ng naghihingalo. Ito ang dahilan kung bakit maikli ang pasyon ni Aquino de Belen at sumasaklaw lámang sa huláng yugto ng sakripisyo ni Kristo sa Kalbaryo.
Ang naging popular at mahabàng pasyon ay ang Casaysayan nang Pasiong Dapat Ipag-alab nang Sinomang Babasa (1882) na kilala rin sa tawag na Pasyong Pilapil at Pasyong Henesis. Itinuring itong Bibliya ng mga Kristiyano sa panahong nakalimbag lamang ang Bibliya sa Latin at hindi ipinababasa sa mga katutubong binyagan. Inaawit ito tuwing Kuwaresma at kayâ naisasaulo noon ng marami.
Pinagmulan: NCCA Official via Flickr
No Comment to " Pasyon "