Ano ang taludtod?
Ang taludtod ay tumutukoy sa isang linya ng mga salita sa tula. Taludturan o saknong naman ang tawag sa isang pangkat ng mga taludtod na sumusunod sa isang padron ng tugma at sukat.
Sa panulaang Tagalog, maituturing nang pinakamaikling taludtod ang sumusunod na salawikaing may sukat na aapatin:
Kung di ukol
Di bubukol.
Ngunit may ulat na ang karaniwang sukat ng katutubong tulang Tagalog ay pipituhin at wawaluhin. Pinakamaikli ring taludturan ang may dalawahang taludtod na may isang tugma. Narito ang dalawang halimbawang bugtong:
- Bumbong kung liwanag
kung gabi ay dagat. - Isang bugtong na bata
di mabilang ang diwa.
Narito naman ang mga halimbawa ng salawikain:
Mayaman ka man sa sabi
dukha ka rin sa sarili.
Sakit ng kalingkingan,
damdam ng buong katawan.
Sa ngayon, marami nang mas mahabang sukat ang taludtod. Pinakapopular ang hiram na sukat na lalabindalawahin. Marami na ring bilang ng taludtod sa isang saknong. Pinakapopular ang aapatin at lilimahing taludtod ngunit may gumagawa ng saknong na may walo hanggang sampung mga taludtod. Ang taludtod ay isang uri ng disiplina para sa makata. Para itong molde na dapat niyáng pagkasiyahan ng nais niyáng sabihin.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ano ang taludtod? "