Ang Ekspedisyon ni Ruy Lopez de Villalobos


Nagsimula ang isa pang ekspedisyon sa ilalim ng bandila ng Espanya papunta sa ating kapuluan sa araw na ito, Nobyembre 1, noong 1542, nang maglayag ang anim na barko ng ekspedisyong pinamunuan ng Espanyol na nabigador na si Ruy Lopez de Villalobos.


Ang mga barkong ito ay ang


  1. Santiago,
  2. San Jorge,
  3. San Antonio,
  4. San Cristobal,
  5. San Martin, at
  6. San Juan.


Binubuo ang ekspedisyong ito ng mahigit 400 sundalo at marino, nang umalis sila sa daungan ng Barra de Natividad, bayan ng Jalisco sa Mexico.


Tinawid ng ekspedisyong Villalobos ang buong karagatang Pasipiko, kung saan binaybay nila ang mga isla ng Refills Gigedo at Roca Partida sa kanlurang bahagi ng dagat sa Mexico, Marshalls Islands at kalauna’y nakarating ang ekspedisyong Villalobos sa isla ng Mindanao, sa baybayin ng kasalukuyang bayan ng Baganga sa Davao Oriental noong ika-2 ng Pebrero, 1543, ang kauna-unahang Espanyol na nakarating sa Mindanao. Pinangalanan ni Villalobos ang lupaing iyon na “Caesarea Karoli”, bilang pagpupugay kay Haring Carlos I ng Espanya (Charles V ng Holy Roman Empire). Pero sa higit isang buwang pananatili nila roon, nagutom sila at naubos rin ang kanilang suplay ng pagkain. Bigo rin silang makapagtanim ng mais, kaya huling araw ng Marso 1543 nang umalis sila sa Baganga para magpuntang Limasawa, pero sa halip, pumunta sila sa kasalukuyang lalawigan ng Sarangani.


Umalis pabalik ng Mexico ang barkong San Juan, habang nakaalitan ng ekspedisyong Villalobos ang mga Portuguese na nasa Moluccas dahil lang sa umano’y panghihimasok ng mga Espanyol sa teritoryo ng mga Portuguese. Nagpumilit sina Villalobos na makalunsad sa Leyte pero masama na ang panahon at dahil pinagtabuyan na rin sina Villalobos sa Sarangani, napilitan silang umalis para makabalik na lang sa Mexico, pero nahuli siya at kanyang mga tauhan ng mga Portuguese at ikinulong sila sa Amboyna, Moluccas sa Indonesia.


Ika-4 ng Abril, 1544 nang pumanaw sa loob ng kulungan si Villalobos, posibleng dahil sa sobrang lungkot.


Mungkahing Basahin: