Paano namatay si Antonio Luna?
Noong 4 Hunyo 1899, nakatanggap si Heneral Antonio Luna ng telegrama mula umano kay Pangulong Emilio Aguinaldo na pinapupunta sya sa himpilan nito sa Cabanatuan,Nueva Ecija.
Dumating si General Antonio Luna.
Bagkus, nakita niya sa himpilan ang mga sundalo ng Batalyong Kawit na kanyang dinisarmahan ilang buwan makalipas at kanyang pinagalitan ang mga ito. Siya at ang kanyang kasamang si Koronel Paco Roman ay binaril ng mga sundalo at tinaga hanggang mamatay.
Maikling Talambuhay ni Heneral Antonio Luna
- Kilala bilang: mamamahayag, musikero, parmasyutiko, kimiko, at pangkalahatan heneral sa paglaban para sa kalayaan ng Pilipinas mula sa Amerikano.
- Ipinanganak: Oktubre 29, 1866 sa distrito ng Binondo ng Maynila, Pilipinas.
- Magulang: Laureana Novicio-Ancheta and Joaquin Luna de San Pedro.
- Namatay: Hunyo 5, 1899 sa Cabanatuan, Nueva Ecija, Pilipinas.
- Edukasyon: Bachelor of Arts mula sa Ateneo Municipal de Manila noong 1881; nag-aral ng kimika, musika, at panitikan sa Unibersidad ng Santo Tomas; licentiate sa parmasya sa Universidad de Barcelona; isang titulo ng doktor mula sa Universidad Central de Madrid, nag-aral ng bacteriology at histology sa Pasteur Institute sa Paris
- Nai-publish na Mga Gawa: Impresiones (as Taga-Ilog), Sa Malarial Pathology (El Hematozorio del Paludismo)
- Asawa: Wala
- Anak: Wala
Pinagmulan: fb/NHCP.LunaMuseum
Kilalaning mabuti si Heneral Antonio Luna
Bukod kay Juan Luna, umukit rin ng pangalan sa ating pambansang kasaysayan ang kanyang nakababatang kapatid na si Antonio Luna y Novicio. Ngayong araw ang ika-155 taong kaarawan ng binansagang “Heneral Artikulo Uno” na si Antonio Luna. Bagama’t mga Ilokano ang kanyang pamilya, lumipat sa Maynila ang pamilya Luna noong 1861 para doon ipagpatuloy ang negosyo ng tabako ni Joaquin Luna, at doon na ipinanganak si Antonio noong 1866, bilang bunsong anak na lalaki nina Joaquin Luna de San Pedro ng Badoc, Ilocos Norte at Laureana Novicio ng Namacpacan, La Union.
Nag-aral muna sa isang private tutor si Antonio, bago siya pumasok sa Ateneo Municipal de Manila at nagtapos doon noong 1881. Kumuha siya ng kursong Panitikan at Chemistry sa University of Santo Tomas, at habang naroon ay nagkainteres siya sa kasaysayan at agham pangmilitar at natuto rin siya sa pag-eeskrima at pagbaril. Inimbitahan siya ng kanyang kuya na si Juan na nasa Europa para doon na rin mag-aral sa Espanya. Nagtapos siya ng kursong Pharmacy sa Universidad de Barcelona at nakakuha ng doctorate degree sa parehong kurso sa Universidad Central De Madrid. Habang nasa Espanya, nakapaglathala siya ng kanyang scientific paper na “El Hematozorio del Paludismo” (On Malaria Pathology), at kinomisyon rin siya ng pamahalang Espanyol para pag-aralan ang mga nakahahawang sakit sa mga tropical na bansa.
Bukod sa siyensiya, lumakas rin ang tawag ng pluma at papel sa buhay ni Luna, nang napabilang siya sa mga contributor sa peryodikong “La Solidaridad”, gamit ang sagisag-panulat na “Taga-ilog”. Naging kaibigan rin niya ang kababayan at estudyante sa medisina na si Dr. Jose Rizal, pero nagkalabuan ang relasyon ng dalawa dahil kay Nelly Boustead. Nagkagusto si Luna kay Boustead pero si Rizal ang gusto ni Nelly, kaya naghamon ng dwelo si Luna kay Rizal, na tinanggihan ni Rizal at kalauna’y naisaayos rin ang relasyon nina Rizal at Luna.
Nang bumalik sa Pilipinas noong 1894, nagtayo si Luna ng isang fencing club sa Maynila, ang Sala de Armas. Tumanggi si Antonio Luna na sumama sa binubuong aklasan ng mga Pilipino dahil para sa kanya’y di pa handa ang mga Pilipino sa rebolusyon. Pero nang pumutok ang rebolusyong Pilipino, kasama sina Antonio at Juan Luna sa mga inaresto ng mga Espanyol dahil sa kanilang ugnayan sa mga rebolusyonaryo, at noong mga panahong iyon, isinuplong ni Luna sa mga otoridad ang mga diumano’y kasapi ng Katipunan, na nag-iwan ng matinding mantsa sa pagkamakabayan ni Antonio.
Sa ikalawang yugto ng rebolusyon, napalaya ang magkapatid na Luna at sumapi na si Antonio sa pamahalaang rebolusyonaryo ni Heneral Emilio Aguinaldo, at sa rekomendasyon ni Felipe Agoncillo, itinalaga si Luna bilang Director de la Guerra. Dahil may kaunting kasanayan na rin sa taktikang militar, siya ang ginawang punong heneral ng hukbong Pilipino kapalit ni Heneral Artemio Ricarte noong panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano.
Siya ang nanguna sa mga labanan sa pagitan ng mga Amerikano sa La Loma at Caloocan noong Pebrero 1899, at dito na rin siya nakilala sa kanyang pagiging istrikto at disiplinadong heneral ng hukbo.
Diskumpyado ang ilang mga opisyal ng militar at mga sundalo kay Heneral Luna sa kanyang pagiging mainitin ang ulo, lalo na nang ipatanggal niya ang Brigada ng Kawit dahil sa katigasan ng ulo.
Nakabangga rin niya ang mga opisyal ng pamahalaan na pumapabor sa awtonomiya ng Pilipinas sa ilalim ng Amerika, partikular na sina Felipe Buencamino, Sr. at Pedro Paterno, at mga heneral na hindi sumusunod sa kanyang mga utos.
Sa isang kaso, nakagirian niya ang punong heneral ng Pampanga na si Heneral Tomas Mascardo nang hindi ito sumunod sa utos ni Luna. Sa kabila ng kanyang pagiging higpit sa disiplina at matinding debosyon sa kalayaan ng Pilipinas, wala siyang naipanalong kahit isang labanan na pinamunuan niya, lalo na ang labanan sa ilog Bagbag sa Calumpit, Bulacan noong Abril 1899. Naging target ng mapanirang propaganda si Heneral Luna, at pinaghinalaan pang nagbabalak siya ng kudeta laban kay Pangulong Aguinaldo.
Ika-5 ng Hunyo, 1899 nang pinadalhan si Heneral Luna ng telegrama para pumunta sa opisina ni Pangulong Aguinaldo sa bayan ng Cabanatuan, Nueva Ecija. Kasama lang niya pumunta roon ang kanyang adjutant na si Koronel Francisco Roman at Kapitan Eduardo Rusca, pero pagdating sa simbahan ng Cabanatuan ay pinagtulungan siyang patayin ng Brigada ng Kawit sa pangunguna ni Kapitan Pedro Janolino.
Namatay sina Heneral Luna at Koronel Roman sa kamay ng Brigada ng Kawit, habang inaresto lang si Kapitan Rusca. Walang napanagot sa malagim na krimeng ito, habang naging malaking dagok sa ating hukbo ang pagkawala ng itinuturing ng mga Amerikano na “nag-iisa’t tunay” na heneral ng Pilipinas.
Binigyan ng libing nang may parangal pangmilitar sina Heneral Luna at Koronel Roman pero hindi na natukoy kung saan sila inilibing.
Sanggunian:
• Szczepanski, K. (2019, August 19). Biography of Antonio Luna, Hero of the Philippine-American War. ThoughtCo. https://www.thoughtco.com/antonio-luna-philippine-american-war-hero-195644
• Wikipedia (n.d.). Antonio Luna. https://en.m.wikipedia.org/wiki/Antonio_Luna
No Comment to " Paano namatay si Antonio Luna? "