Ang paglalayag ni Miguel Lopez de Legazpi papuntang pilipinas
Kinomisyon ng Viceroy ng Mexico na si Luis de Velasco ang makasaysayang paglalayag na ito ni Legazpi, na may mahalagang misyon, ang okupahin ang kapuluan ng magiging bansang Pilipinas sa ngalan ni Haring Felipe II ng Espanya at bautismohan ang mga katutubo nito sa pananampalatayang Katoliko.
Mula sa Barra de Natividad, naglayag sina Legazpi sa patnubay na rin ng opisyal na chaplain ng ekspedisyon at nabigador na Augustiniano na si Padre Andres de Urdaneta at anim na iba pang mga prayleng Agustiniano, na kalauna’y magiging unang mga paring misyonerong dumating sa Pilipinas. Kasama rin sa paglalayag na ito sa ibabaw ng dagat Pasipiko ang anak ni Legazpi na si Melchor, apo niyang si Felipe de Salcedo at Guido de Lavezares, na kalauna’y magiging Gobernador-Heneral ng Pilipinas.
Matapos ang 93 araw na biyahe, narating ng grupo nina Legazpi ang kasalukuyang isla ng Marianas at pansamantalang namalagi para mangalap ng mga suplay, at nakaengkwentro nila ang mga Chamorro.
Ika-13 ng Pebrero, 1565 nang dumating sa dalampasigan ng Cebu sina Miguel Lopez de Legazpi, sa gabay na rin ng katutubong pinuno ng Bohol na si Catunao, pero hindi sila nakatapak dahil sa mga katutubong ayaw silang pababain. Ika-22 ng Pebrero nang dumating sila sa isla ng Samar at nakipagsanduguan sa pinuno ng mga katutubo roon bilang tanda ng kanilang mabuting ugnayan.
Dumating rin sila sa isla ng Limasawa, at sa Bohol naman ay nakipagsanduguan rin si Legazpi kay Raha Sikatuna. Bumalik siya ulit sa Cebu at nakipag-ugnayan kay Raha Tupas, at matapos ang maikling sagupaan sa pagitan nina Legazpi at Tupas, nagkaroon rin ng mabuting ugnayan sina Legazpi at Raha Tupas, nagpabinyag rin sila sa Katolisismo at nagtayo rin sina Legazpi ng unang pamayanang Espanyol sa Pilipinas noong ika-27 ng Abril sa parehong taon.
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ang paglalayag ni Miguel Lopez de Legazpi papuntang pilipinas "