Sino si Patrocinio Gamboa?
Sa edad na 88, binawian ng buhay sa araw na ito, Nobyembre 24, noong 1953 ang isa sa mga dakilang rebolusyonaryong Pilipino sa lalawigan ng Iloilo na si Patrocinio Villareal Gamboa. Bilang parangal sa kanyang kabayanihan sa panahon ng Rebolusyong Pilipino at Digmaang Pilipino-Amerikano, binigyan siya ng libing nang may parangal pangmilitar sa Balantang Veterans’ Cemetery sa bayan ng Jaro, Iloilo at isang memorial marker ang itinayo para sa kanya noong Disyembre 1980.
Isinilang noong ika-30 ng Abril, 1865 si Patrocinio Gamboa, o Tia Patron kung tawagin siya, sa bayan ng Jaro, Iloilo at isa sa mga anak ng mayamang pamilya nina Fermin Gamboa ay Leonila Villareal. Nakapag-aral si Patrocinio sa ilalim ng isang private tutor, at mahilig magbasa ng mga babasahing Espanyol, na nakapagmulat rin sa kanya sa mga sintimyento ng mga naghahangad ng reporma sa bansa. Nabasa rin niya ang lathalain ng mga propagandistang Pilipino sa Espanya, na humubog sa kanyang damdaming nasyonalismo.
Sumapi siya sa rebolusyong Pilipino laban sa Espanya, at isa sa mga nag-organisa ng Comite Central Revolucionario de Visayas, na siyang magiging pamahalaang rebolusyonaryo sa rehiyon ng Visayas. Ibinigay niya ang serbisyo sa rebolusyon sa pamamagitan ng pag-aalaga at paggamot sa mga sugatang rebolusyonaryo, nangangalap ng mga pera, pagkain at gamot bilang ambag niya sa rebolusyon.
May isang kuwento sa buhay ni Patrocinio na dumagdag sa kanyang makulay na pakikibaka. Si Patrocinio ang naatasang magtahi ng replica ng bandila ng Pilipinas na unang hinabi ni Marcela Agoncillo. Pero may problema, ang bayang paghahatiran ng tinahing bandila ni Patrocinio at ng iba pang mga babae sa Jaro kung saan naroon ang himpilan ng punong Heneral ng rebolusyon sa Iloilo na si Martin Delgado ay bantay-sarado ng mga Espanyol at walang nakakalusot sa mga bantay maliban kung may maipakitang katibayang hindi sila rebolusyonaryo. Kaya hiningi ni Patrocinio ang tulong ng isang tinyente at para makalusot sa checkpoint ng mga sundalo, nagpanggap silang nag-aaway na mag-asawa.
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Sino si Patrocinio Gamboa? "