demokrasya

Ano ang demokrasya?

Demokrasya Kahulugan
 
Ang kahulugan ng demokrasya (mula sa Espanyol na democracia) ay isang sistema ng pamahalaan na mga mamamayan ang humahawak ng kapangyarihan sa pamamagitan ng mga kinatawan na pinilì nila sa malayang halalan. Bukod sa malayang halalan, humihingi din ang isang demokratikong lipunan ng pantay ng mga karapatan at pribilehiyo ng mga tao.
 

Demokrasya

 

Nagmula ito sa salitang Griyego na “demos,” o “tao,” at “kratos,” o “kapangyarihan.” Sa isang demokratikong estado, ang mga mamamayan ang pinanggagalingan ng kapangyarihan. Mayroon itong tapat na halalan para sa pagpili at pagpalit ng gobyerno, aktibong partisipasyon ng mga mamamayan sa politika, pagtatanggol para sa karapatang pantao ng lahat, at walang kinikilingang pananaig sa batas.

 

Halimbawa:

 

Hindi nagtatapos ang kapangyarihan ng mga mamamayan sa pagboto. May responsibilidad din silang makilahok sa mga prosesong panlipunan at siguraduhin ang pananagutan ng mga lider na ihihalal nila.


Nagsimula ang demokrasya sa Atenas, Griyesa. Mula ito sa dalawang salitang Griyego na demos na nangangahulugang ‘tao’ at kratos na nangangahulugang ‘kapangyarihan’, ibig sabihin, ang kapangyarihan ay nasa mga tao. Kinikilála ang Griyegong si Cleisthenes bílang ama ng demokrasyang Ateniyense. Sa ilalim ng kaniyang pamumunò, naitatag ang unang demokrasya noong 510 BC.


Ang naitatag noon ay tinatawag na demokrasyang direkta, ibig sabihin ang mga boto ng lahat ng mamamayang Ateniyense hinggil sa mga usapin ang nagiging batayan ng mga batas at kalakaran ng kanilang lipunan. Nagpapalit-palit din ang mga mamamayan sa paghawak ng puwesto sa pamahalaan at mayroong pagkakataon ang lahat na maging pinuno. Subalit hindi itinuturing na mamamayang Ateniyense at hindi nakaboboto noon ang mga babae, alipin, at banyaga.


May mga taglay na simulating demokratiko ang ipinroklamang pamahalaan ng Republikang Malolos ngunit hindi naisakapatuparan dahil sa Digmaang Filipino Amerikano.


Ipinakilala ng mga Amerikano ang isang demokratikong sistema sa Filipinas sa pamamagitan ng pagbuo ng partidong politikal at halalan.


Sa Saligang Batas ng 1935 sinimulang ilatag ang isang demokratikong politika ng bansa sa pagbibigay ng kapangyarihan sa mga Filipino na mahalal at mamuno sa kanilang sarili.


Mula 1946 hanggang 1972, ang Filipinas ay mayroong dalawang partido, ang Liberal Party at Nationalist Party, na naglalaban para sa puwesto sa pamahalaan. Nang ideklara ang Batas Militar noong Setyembre 1972, natigil ang kompetisyon ng naturang dalawang partido at gayundin ng halalan sa bansa.


Nang maibalik ang demokrasya noong 1986, naibalik na muli ang halalan at nagkaroon na ng maraming partidong naglalaban para sa posisyon sa gobyerno.


Samantala, may kasaysayan din ang naganap na pagsasabatas ng karapatang bumoto at iba pang karapatan sa kababaihan. Sa Estados Unidos, maganda ring basahin ang kasaysayan ng liberasyon ng mga aliping Negro na nagsanhi ng isang malaking giyera sibil sa bansa.

 
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Imahe: Baybayin Ateneo (@baybayinateneo)
 
Mungkahing Basahin: