Ang lutong makaw ay nangangahulugang inayos o dinaya ang resulta ng isang halalan o paligsahan.


Mayroong tatlong haka hinggil sa pinagmulan ng idioma. Una, may kinalaman ito sa Macau bilang sentro ng sugalan. Ikalawa, may kinalaman ito sa paghahanda ng pagkain sa Macau. At ikatlo, may kinalaman sa kailangang paghahanda ng mga sahog o tipong set up na ginagawa bago magluto ng tsapsuy.


Ang Macau ay nasa ilalim ng pamahalaan ng Tsina. Dati itong naging kolonya ng Portugal mula siglo 16 hanggang 1999. Malaking bahagi ng ekonomiya nito ang nakasandal sa turismo at sugalan.


Sinasabing ang pagbanggit sa Macau ay ikinakabit sa kalikasang mapanlinlang ng sugal, sa nililikha nitong malikmata sa mga manlalaro sa pamamagitan ng bilis ng kamay, dahil kung saan mayroong sugalan, mayroon ding mga mandaraya at tagaareglo.


Sa kabilang banda, mayroong naniniwalang mula ito sa paraan ng pagluluto sa mga restoran sa Macau. Mayroong paunang pagluluto ng pagkain bago pa man ito bilhin.


Maaaring maghandog ng libreng tikim upang hikayatin ang mga tao na kumain sa restoran. Binibigyan nito ng idea ang mga tao kung ano ang itsura at lasa ng ibinibentang pagkain bago pa man sila mag-order.


Idinidiin naman ng haka hinggil sa pagluluto ng tsaysuy ang paunang paghahanda ng sahog bago maggisa.


Ano’t anuman, may paniwala na katulad lamang ito ng pangalan ng “lumpiyang syanghay” na hindi naman nagmula sa Shanghai. Maaaring kinakatawan lamang ng “makaw” ang isang malalim na suspetsang kontra-Tsino na pinalaganap noong panahon ng Espanyol, lalo na hinggil sa pagdaraya sa pagtitinda at sa sugal.


Taglay ang mapanghamak na pagtinging ito kahit ng tauhang si Quiroga sa El filibusterismo ni Rizal. Hindi naman maitatatwa na dahil sa korupsiyon ay maraming kontratang lutong makaw sa gobyerno at lumilitaw na mga lutong makaw ang mga nagdaang pambansang halalan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: