Talambuhay ni Trinidad Tecson
Sa ating pambansang kasaysayan, lalo na sa panahon ng Rebolusyong Pilipino, maraming mga kababaihan ang nagpakita rin ng kanilang natatanging katapangan sa labanan at nakipagsabayan rin sa mga kalalakihan sa pagiging makabayan.
Isinilang sa araw na ito, Nobyembre 18, noong 1848 ang isa sa 16 na anak nina Rafael Tecson at Maria Perez na si Trinidad, sa bayan ng San Miguel de Mayumo, Bulacan.
Kahit isang babae ay nakakitaan na siya ng kakayahan na noo’y mga lalaki lamang ang gumagawa, gaya ng pag-eeskrima, at dahil matangkad kumpara sa iba pang mga batang babae noon, tinawag siyang “Tangkad” ng mga kalaro. Hindi nakapagtapos ng pag-aaral si Trinidad nang maulilang lubos silang magkakaptid, at nanirahan sila sa kanilang mga kamag-anak.
Nakapag-asawa siya sa murang edad na 19 at nagbunga ito ng dalawang anak, na parehong binawian ng buhay. Para matustusan ang kanyang pamilya, naging tindera si Trinidad kasama ang kanyang asawa ng mga pagkaing pandagat gaya ng sugpo, talaba, isda at maging ng mga alagang baka
Una siyang sumapi sa Logia de Adopcion, ang unang pambabaeng Masonic lodge na itinatag sa Pilipinas.
Nang sumapi siya sa kilusang Katipunan sa edad na 47 ay siya lamang ang babaeng kasapi na lumagda ng katapatan sa kilusan sa sarili niyang dugo, kahit hindi naman ito mandatoryo sa lahat ng mga kababaihang sumasapi sa Katipunan.
Nang sumiklab ang himagsikan ay nagamit niya ang kanyang kasanayan sa eskrima sa kanyang pakikipaglaban sa mga Espanyol, kasabayan sa labanan ang mga lalaking Katipunero sa kanyang lalawigan.
Minsan ay sumasama siya sa mga mapangahas na pagtambang sa mga kwartel ng mga Guardia Civil upang magnakaw ng mga armas at mga kagamitang pandigma. Naglingkod siya sa ilalim ng mga rebolusyonaryong heneral gaya nina Mariano Llanera ng Nueva Ecija, Francisco Makabulos ng Tarlac, Isidro Torres at maging kay Gregorio del Pilar ng Bulacan.
No Comment to " Talambuhay ni Trinidad Tecson "