Mars Ravelo: Hari ng Komiks sa Pilipinas
Darna, Dyesebel, Captain Barbel, Lastikman, Bondying, Varga, Flash Bomba, Dragonna, Basahang Ginto at Tiny Tony. Ang mga komiks na ito ang siyang nagpasigla sa buhay ng mga kabataang Pilipino sa nagdaang dekada 80, 90 at sa mga unang taon ng ika-21 siglo, na henyong konsepto ng isa sa mga premyadong comic book cartoonist sa Pilipinas na si Mars Ravelo.
Ngayong araw, (Oktubre 9) ang ika-105 taong kaarawan ng tinaguriang “Ang Hari” ng Komiks sa Pilipinas, na isinilang noong 1916 bilang si Marcial Ravena sa bayan ng Tanza, Cavite.
Bata pa lang nang nahubog ang kanyang galing sa pagguhit, at kahit hindi nakapagtapos ng pag-aaral dahil sa kahirapan ay patuloy ang guhit ng kanyang buhay.
Nagtrabaho muna siya bilang janitor, at nakita ang kanyang galing sa pagguhit nang sa edad na 23, nagsilbi siya bilang cartoonist sa Mabuhay Extra, isang lingguhang magazine sa Maynila. Tumigil siya sa pagguhit dahil sa digmaan, at matapos ang kanyang pagbabalik sa pag-janitor, muli niyang ipinamalas sa Ipe comic strip ang kanyang talento noong 1947.
Ipinasok naman siya sa Bulaklak Publications para gumawa ng mga cartoons sa mga magazine nito sa dekada 50. Dito isinilang ang mga una niyang Komiks na “Varga” at “Rita Kasinghot”, at dito na rin yumabong ang popularidad ng kanyang mga obra.
Lumipat siya sa Ace Publications, kung saan naman niya ginawa ang mga obrang Darna, Bondying, Roberta, Jack and Jill, Captain Barbell, Maruja, Lastikman, Goomboo Roomboo at iba pa.
Tinangkilik ng masang Pilipino ang mga likhang komiks ni Ravelo, na karaniwang pumapaksa sa mga pakikipagsapalaran ng mga superheroes at mga piksyunal na kwentong sumasalamin sa mga kalagayang panlipunan noon, dahilan para mas makuha niya ang sintimyento ng mga tao.
Naging paksa rin sa kanyang mga obra ang mga usaping maituturing noong “taboo” sa kanyang henerasyon, gaya ng incest, homosekswalidad, at itinampok rin nang may patnubay mula sa kanya ang ilan sa kanyang mga obra sa mga film companies gaya ng Sampaguita Pictures.
Bumuo rin si Ravelo ng kanyang sariling publishing company, ang RAR Publishing Company, kung saan rin naitampok ang mga grapikong nobela at mga komiks na produkto ng kanyang malawak na imahinasyon.
Hindi rin nagtagal at nagretiro sa larangan ng pagguhit si Mars Ravelo dahil na rin sa mga iniinda niyang sakit. Taong 1984 nang makuha niya ang Life Achievement Award mula sa Komiks Operation Brotherhood (KOMOPEB), bilang pagkilala sa kanyang natatanging kontribusyon sa industriya ng komiks. Bumalik sa industriya ng komiks si Ravelo nang ginawan ng remake ang kanyang komiks na Goomboo Roomboo.
Taong 1987 nang tinamaan ng sakit na stroke si Ravelo, at binawian ng buhay sa edad na 71 noong ika-12 ng Setyembre, 1988.
Sa loob ng halos limang dekadang karera niya bilang manunulat, komikero at cartoonist, nakagawa siya ng mahigit 500 graphic novels at mga komiks, kung saan ilan sa mga ito ang itinampok bilang mga teleserye sa GMA Network at ABS-CBN.
Sanggunian:
• Lambiek (2015, October 12). Mars Ravelo. https://www.lambiek.net/artists/r/ravelo_mars.htm
• Rosa, J. D. (2009, July 12). Mars Ravelo. Pelikula atbp. https://pelikulaatbp.blogspot.com/2009/07/mars-ravelo-1916-1988.html?m=1
No Comment to " Mars Ravelo: Hari ng Komiks sa Pilipinas "