Ang Darna ay ang pangunahing tauhan sa nobelang pangkomiks na nilikha ni Mars Ravelo noong 1947 para sa Pilipino Komiks.


Nakasuot si Darna ng headband na may sagisag na pakpak at may itim na takip sa dibdib na may mga bituing kulay dilaw.


Nakasuot din siya ng botang mataas at telang mahaba na nakalaylay sa harap ng sinturon niya. Si Darna at si Narda ay iisa.


Ang kapangyarihan ni Darna ay nagmula sa isang bulalakaw na bumagsak sa paanan ni Narda noong minsang nakipaglaro si Narda ng taguan. Nangamba si Narda na maagaw sa kaniya ng mga kalaro niya ang anting-anting kaya itinago niya ang bato sa kaniyang bibig. Nalulon niya ang bato nang di-sinasadya. Naalala niya ang salitang nakasulat sa bato. Binigkas niya ito (DARNA!) Si Narda ay naging si Darna.


Si Narda naman ay isang sampung taong gulang na ulilang bata. Nakatira siya at ang kapatid niyang si Ding sa lola nila.


Namamalimos lang sila. Kapag nagiging Darna si Narda, nababaligtad ang pangalan niya. Nababaligtad din ang kapalaran niya. Mula sa pagiging mahirap at mahina, nagiging malakas at tagapagtanggol si Darna ng mga naaapi. May interpretasyon na ang popularidad ni Darna sa kulturang Filipino ay sumasalamin sa pangarap ng mga Filipino na lumakas pa ang kapangyarihan ng mga babae sa lipunang Filipino.


Ngunit karaniwang babae rin ang mga kaaway ni Darna. Halimbawa, si Valentina na punong-puno ng ahas ang ulo at napapasunod sa lahat ng kaniyang utos ang mga ahas sa lupa. Maaaring tingnan ito na may pagaatubili sa lipunang Filipino sa pagkakaroon ng makapangyarihang babaeng tulad ni Darna kung kaya’t babae rin ang ginawang kalaban niya.


Si Darna ay isa sa pinakapopular na superhero sa Pilipinas. Hindi tulad sa maraming bansa na lalaki lang ang kilalang superhero, may tanyag na babaeng superhero rin ang mga Filipino. Simula noong isilang si Darna, may 15 pelikula na tungkol sa buhay ng Pinay na superhero.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: