On
Mula sa Ingles na comics, tumutukoy ang komiks sa mga nakalarawang salaysay sa loob ng mga nakahanay na kuwadro sa limbag na pahina. Isa ito sa panitikang biswal na naging popular nitong ika-20 siglo sa bansa.


Mauugat ang pagguhit ng komiks noong 1885, nang iguhit ni Jose Rizal sa anyong cartoon ang tanyag na pabulang Ang Pagong at ang Matsing sa album ni Paz Pardo de Tavera na nililigawan pa noon ni Juan Luna sa Paris.


Inihiudyat naman ang pagiging industriya ng komiks nang likhain at ilathala ni Tony Velasquez ang nakatatawang buhay ni Kenkoy noong 1929. Naging bahagi ito ng lingguhang magasing Liwayway na naisalin din sa iba pang mga rehiyonal na magasing gaya ng Bannawag, Hiligaynon, Bisaya, at Bikolnon.


Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagsimulang maging pangunahing babasahing Filipino ang komiks na hinalaw sa comic book ng mga Amerikano.


Nailathala ang Halakhak Komiks noong 1946, ang kaunaha-unahang lingguhang serye ng komiks na nailimbag sa Filipinas. Sinundan ito ng Pilipino Komiks, Hiwaga Komiks, Espesyal Komiks, at Tagalog Klasiks ng Ace Publications sa pamamahala ni Tony Velasquez at sinundan pa ng ibang publikasyon.


Noong mga dekada 1970-1980, umabot sa tatlong milyon kada linggo ang nailalathala at malaki ang ambag sa pagpapalaganap ng pambansang wika at pagbasa para sa mas nakararaming mamamayang walang kakayahang bumili ng mga libro.


Subalit, nanghina ito sa pagbubukas ng dekada 90 dahil nagsawa diumano ang mambabasa sa hindi nagbabago bukod sa sumasamang uri ng kuwento’t guhit, ang palatandaan ng sobrang komersiyalisasyon.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: