Ang mga Kabalbalan ni Kenkoy ay ang unang kartung isinerye sa Pilipinas.


Nagsimula ito noong 1929. Si Romualdo Ramos ang tumulong na umisip at unang nagsulat ng serye hanggang noong mamatay siya noong 1932. Pagkaraan, mag-isang sinulat at iginuhit ni Tony Velasquez ang Kenkoy.


Linggo-linggo, nagtatampok sa kartung ito ng kuwento tungkol kay Kenkoy at sa pakikihalubilo niya sa kaniyang mga kababayan.


Si Kenkoy ay isang karakter na laging sunod sa uso, at sa gayo’y naka-Amerikana siya. Kilala siya sa ayos ng buhok na plantsado sa pomada at sa suot niyang maluwang na pantalon.


Ngunit ang panlabas na anyo lang ang naisusunod niya sa panahon. Marunong siya ng Espanyol, Tagalog, at Ingles, ngunit namimilipit siya sa pagsasalita nito.


Ang serye pala ay isang nakakatawang komentaryo tungkol sa isang taong nahihirapang umangkop sa nagbabagong kultura ng mga Filipino.


Kasama rin sa serye si Rosing, ang babaeng sinusuyo ni Kenkoy. Lagi siyang nakabaro’t saya. Siya ay makaluma at masunuring anak, isang ideal na asawa. Ang kaniyang ina ay si Aling Hule na may gusto kay Kenkoy. Karibal naman ni Kenkoy kay Rosing si Tirso.


Ang mga karakter na nilikha ni Velasquez ay naglalarawan ng unang yugto ng panahon ng Amerikano lalo na ang pagtatagpo at pagsasalungatan ng luma at bago, ng katutubo at dayuhang kultura.


Naging napakapopular na komiks ng Kenkoy. Naisalin ito sa mga wikang Iloko, Hiligaynon, at Bikol at tumagal nang 60 taon. Ang salitang “kenkoy,” kapag binaybay sa maliit na titik, ay naging bahagi na ng pang-araw-araw na diskurso ng taumbayan at naging singkahulugan ng taong mapagpatawa.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: