Larry Alcala
Si Lauro Zarate Alcala (láw·ro zá·ra·té al·ka·lá) o mas kilala bilang si Larry Alcala ay isang nangungunang editorial cartoonist at ilustrador sa Pilipinas. Tinatayang nakagawa siyá ng mahigit 500 cartoon characters, 20 comic strips, 6 pelikula, 2 murals, at 15,000 na nailimbag na pahina mula sa kaniyang 56 taon ng pagiging propesyonal na kartunista.
Isinilang siya sa Daraga, Albay noong 18 Agosto 1926 kina Ernesto Alcala at Elpidia Zarate. Nakapagtapos siyá ng kursong Bachelor of Fine Arts in Painting sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1950 sa ilalim ng scholarship mula sa pabliser na si Ramon Roces. Tumanggap din siyá ng Australian Cultural Award kasabay ng isang travel study grant noong 1975.
Nagturo siya sa UP mula 1951 hanggang 1981. Nagsimula ang kaniyang karera bilang kartunista noong 1946 habang nag-aaral pa lamang. Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nilikha niya ang kaniyang kauna-unahang comic strip na pinamagatang Siopawman na nailimbag sa komiks na Halakhak noong 1947. Sa naturang taon din niya nalikha ang Kalabog en Bosyo na gumamit ng Taglish bilang wika ng mga tauhan. Ito ang pinakamahabang seryeng kartun na ginawa ng isang Filipino. Naisapelikula ito noong 1957 ng Sampaguita Pictures na ginampanan nina Dolphy at Panchito Alba.
Ang Slice of Life naman ang pinakasikat na seryeng kartun ni Alcala na sumasalamin sa mga katangi-tanging aspekto sa araw-araw na buhay sa Filipinas. Noong 1988, tumanggap ito ng parangal na Best in Humor dahil sa paglalarawan nito ng kakayahan ng mga Filipinong tawanan ang kanilang sarili anuman ang kanilang danasin sa buhay. Ang Mang Ambo naman, ayon mismo sa kaniya, ay larawan ng isang Filipinong nanatiling tradisyonal kahit na may nagaganap na urbanisasyon sa kaniyang paligid.
Ang ilan pang likha niya ay ang
- Tipin (1951-1965);
- This Business of Living (1961-1972);
- Loverboy (1964-1969);
- Project 13 (1966-1972);
- Barrio Pospak (1966-1972);
- Kongressman Kalog (1966-1972);
- Kalambogesyons (1966-1972);
- Smolbateribol (1972-1984);
- Mod-Caps (1974-2002);
- Snickerteens (1973-1984);
- Asiong Aksaya (1976-1984);
- Bing Bang Bung (19781989); at
- Laugh and Live, Life Today (1981-2002).
Si Alcala ang nagpasimula ng paggamit ng animated cartoons sa mga television commercial gaya ng Caltex noong 1965 at Darigold Milk noong 1957. Dahil sa kaniyang kampanya sa pagpapaunlad ng ilustrasyon at commercial art sa Filipinas, naitatag ang Visual Communication Department sa UP College of Fine Arts noong dekada 50. Isinulong naman niya ang pagbuo ng grupo ng mga ilustrador ng mga pambatang libro at tinawag itong Ang Ilustrador ng Kabataan (INK) noong 1991.
Naging aktibong lider siyá sa mga organisasyong gaya ng Samahang Kartunista ng Pilipinas bilang pangulo 1979-1989 at bilang adviser 1989-2002; Art Directors Club of the Philippines bilang pangulo 1963-1964; Society of Philippine Illustrators and Cartoonists bilang ikalawang pangulo 1962-1963. Dahil sa hindi matatawarang dedikasyon, nakatanggap siya ng maraming parangal mula sa iba’t ibang organisasyon gaya ng UP College of Fine Arts,UP Alumni Association, Philippine Board on Books for Young People (PBBY), Archdiocese of Manila, Komiks Operation Brotherhood (Komopeb), Society of Philippine Illustrators and Cartoonists, Gawad CCP, at iba pa.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Larry Alcala "