Sa anumang pista o selebrasyon ng simbahan, pinipilì ang isang tao upang maging punòng-abala ng okasyon. Tinatawag na hermano mayor ang nahirang punòng-abala para sa pagdiriwang ng simbahan o kayâ hermána mayór kung babae ang napilì. Sa ibang pagkakataón, tinatawag na hermano/ hermana mayor ang pinakamataas na opisyal ng isang organisasyong panrelihiyon.


May iba’t ibang pamamaraan upang maging hermano/hermana mayor. Maaari siyáng mapilì ng kura paroko upang magsilbing punòng-abala sa pagdiriwang. Maaari rin naman pagbotohan ng mga mananampalataya kung sino ang hihirangin na susunod na hermano/hermana mayor .


Sa Angono, ang hermano/hermana mayor ay idinadaan sa palabunutan sa Linggo ng Pagkabuhay at magtatagal ang kaniyang panunungkulan hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay sa susunod na taon. Sa ibang bahagi ng bansa, karaniwang mariwasa ang napipilì.


Malaki ang responsabilidad ng hermano/hermana mayor. Kinakailangan niyang matiyak na mairaos nang mabuti ang pista o pagdiriwang sa simbahan. Siyá ang namamahala sa programa at tumitiyak na may nakatalagang mga tao para sa bawat aktibidad. Tiniitiyak din niya na lahat ng kaniyang kababayan ay makikilahok sa pagdiriwang, lalo na upang makibahagi ng mga tungkulin sa pagdiriwang. 


Sino ba ang dapat magpakain sa araw na ito? Sino ang dapat mag-asikaso sa palabas? Sino ang dapat mag-arkila ng bánda ng musiko? Sino ang dapat magpalamuti sa simbahan? Sino ang dapat mamunò sa misa? Bukod pa, karaniwan ding inaasahan ang masaganang handa sa bahay ng hermano/hermana mayor sa araw ng pista.


Sa Lungsod Makati, pormal na ipinapása ng kasalukuyang hermano/hermana mayor ang responsabilidad sa susunod na hermano/hermana mayor sa pamamagitan ng isang prusisyon. Ibinababâ ang Banal na Krus mula sa Lumang Simbahan ng Makati ng kasalukuyang hermano/hermana mayor. Ipinuprusisyon niya ito sa mga kalsada sa paligid ng simbahan bago dalhin sa bahay ng susunod na hermano/hermana mayor.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: