Ang Liwanag at Dilim ay koleksiyon ng mga sanaysay na sinulat ni Emilio Jacinto, ang tinaguriang “Utak ng Katipunan.”


Kabílang sa kalipunan ng sanaysay ang mga sumusunod:

  • “Sa Anak ng Bayan,”
  • “Ang Ningning at ang Liwanag,”
  • “Ako’y Umaasa,” “Kalayaan,”
  • “Ang Tao’y Magkakapantay,”
  • “Ang Pag-ibig,”
  • “Ang Bayan at ang mga Pinuno,”
  • “Ang Maling Pagsampalataya,” at
  • “Ang Gumawa.”


Dahil may pagkaabstrakto ang mga ideang nilinang ni Jacinto sa mga sanaysay, sinikap niyang gumamit ng iba’t ibang estratehiya ng pagsulat para maipaabot at maipaunawa ang mga ideang ito sa mga mambabasa.


Sa sanaysay na “Ang Ningning at ang Liwanag” halimbawa, ipinag-iba ni Jacinto ang dalawang magkaugnay na salita. Para kay Jacinto, ang ningning ay nakasisilaw, nakasisira ng paningin, at maraya; ang liwanag naman ay kailangan para mapagwari ang katunayan ng mga bagay-bagay.


Gumamit siya ng mga kongkretong halimbawa upang idiin na hindi dapat magpalinlang sa panlabas na anyo at hindi rin dapat maging mapanghusga sa kapuwa. Kasunod nitó’y ipinaliwanag niya ang mga bunga ng maling pagsamba sa ningning at pagtatakwil sa liwanag.


Bagaman magkakahiwalay ang mga sanaysay, pinag-uugnay naman ito ng mga ideang itinataguyod ni Jacinto, lalo na ang kaniyang paniniwala sa pagkakapantay ng mga tao, sa katwiran, sa katapatan, at sa pag-ibig sa bayan.


Kung ikokompara sa panitikang iniluwal ng mga nagdaang panahon, naglalaman ang mga sanaysay ni Jacinto ng mga bagong idea’t pananaw. Dahil dito, isinulat ang mga sanaysay sa isang estilong nangangailangan ng muling pagbasa at ng pagmununi upang maunawaan ang nilalaman nito.


Pinagmulan: NCCA official | Flickr


Mungkahing Basahin: