larong sipaLarong Sipa | @grupokalinangan

Ang sipa ang isa sa pinakakaraniwang laro ng mga batang Filipino. Mula sa Mindanao, nag-umpisa itong sumikat noong panahon ng Amerikano.

 

Karaniwang iniuugnay sa sepak takraw, ang sipa ay nilalaro ng dalawang pangkat ng manlalaro, sa loob o laban man, sa isang kort na sinlaki ng laruan ng tennis. Ang bawat pangkat ay binubuo ng isa o dalawang manlalaro. Ang layunin ng laro ay sipain ang bolang yari sa yantok mula sa sariling kort patungo sa kabila, at balikan, nang dumadaan sa ibabaw ng net sa gitna.


Ang bolang yantok ay may 9-10 sentimetro ang laki. Ang palaruan naman ay may habang 20 metro at may lapad na 6, 8, o 10 metro ayon sa dami ng manlalaro.


Pasalungat ang pagtutuos ng puntos, ibig sabihi’y binibilang ang kamalian o paggawa ng bawal ng manlalaro sa bawat pangkat. Ang pangkat na may mas mababang puntos ang mananalo.


May nalinang na ibang bersiyon ng sipa. Isa na rito ay ginagamitan ng pinagsamang goma o tingga na may itinaling maikling straw bilang palawit.


Ang laruang ito ay sinisipa ng mga lalaki gamit ang panloob na bahagi ng kanilang paa, at ng mga babae gamit naman ang panlabas na bahagi ng kanilang paa. Binibilang ang puntos batay sa dami ng magkakasunod na sipang magagawa ng bawat manlalaro nang hindi nahuhulog ang laruan sa lupa.


Larong Sipa


Isang tradisyonal na larong pinoy na nagsimula pa bago dumating ang mga Kastila. Tinawag itong “sipa” dahil sinisipa ang laruan na tingga. Sikat din ang laro na ito sa mga bansa sa Asya na may sari-sariling bersiyon.


Layunin ng laro ay mapanatili ng mga kalahok ang sipa sa ere na gamit lamang ang kanilang mga paa. Maaaring magpahiram o magpasahan ng sipa sa larong ito.

 

Materyales:

Sipa na gawa sa tingga/sapatilya, tansan, at makitid na mga piraso ng plastik o tela. Maaari ring gumamit ng goma na magkakasamang nakatali.


Manlalaro:

Mag-isa o grupo.

 

Saan lalaruin: Maaaring laruin sa maluwang na lugar sa loob o labas ng bahay.


Paraan kung paano laruin:

1.Sipain ang bola o tingga sa ere nang tama na masasalo at masisipa pabalik ng mga manlalaro.

2.Mananalo sa laro ang may pinakamaraming bilang ng mga nasipa at nasalong bola o tingga na hindi sumasayad sa lupa.


Paano gumawa ng sariling sipa (Do-it-yourself) ngayong quarantine:

Kung wala kayong malalaro na sipa, eto ang pwede niyong gamitin para makapagbuo ng sipa habang nasa loob ng bahay. Maaring makagawa ng dalawang klase ng sipa: isang gawa sa tingga at plasik o tela, at isang gawa sa goma.

Para sa tingga, maari kang gumamit ng tansan o kahit anong manipis na lata.

Maaari pa ring gumamit ng kahit anong makitid na piraso ng plastik o tela sa isa pang parte ng sipa.

 

Paano gumawa ng sipa:

1. Kunin ang nakuhang tansan o manipis na lata at pukpukin ito ng martilyo hanggang pumatag.

2. Kapag ang tansan ay patag na, kumuha ng pako upang butasin ang gitna ng tansan.

3. Kapag nabutas na ang gitna, kunin ang makitid na piraso ng plastik o tela at ipasok sa nagawang butas ibuhol ang isang dulo nito hanggang hindi na magkasya ang binuhol sa butas

4. Sa huli, putulin ang kabilang dulo ng plastik o tela sa saktong haba o sa haba ng inyong hintuturo (index finger).


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: