On
Ano ang trumpo?


Isang larong pambata ang trumpo na karaniwang nilalaro ng mga batang lalaki. Ang katawan nito ay yari sa kahoy at maaaring biluhaba, bilog, o kono, at may nakausling pako na siyang nagpapaikot dito.


Para mapagalaw at mapaikot ang trumpo, gumagamit ng pisi na nilagyan ng pinitpit na tansan ang isang dulo. Ang tansan ang nagsisilbing pansagka upang hindi mabitiwan ng manlalaro ang pisi. Binibilutan ng pisi mula sa pako hanggang sa kalahati ng kahoy at pinakakawalan upang umikot ang trumpo.


May ilang paraan ng paglalaro ng trumpo. Sa unang paraan, maaaring lumahok ang apat na manlalaro. Ang layunin ng laro ay mailabas sa iginuhit na bilog ang trumpo ng taya.


Sakali’t hindi ito magawa, may pagkakataong makaganti ang taya sa pamamagitan ng pagsilo sa trumpo ng kalaban. Kapag nangyari ito, magkakapalit sila ng posisyon, magiging taya naman ang may-ari ng nasilong trumpo.


Sa ibang paraan, nagkakaroon naman ng paligsahan sa patagalan ng pag-ikot o magandang pagbagsak ng trumpo sa lupa.


Sinasabing matanda na ang laruang ito. Ito ang tinatawag na bembix sa akdang Mga Ibon ng mandudulang Griyego na si Aristophanes, at strobilos sa Ang Republika ng pilosopong Griyego na si Plato.


Sa Pilipinas, mababakas na gamit ito ng mga sinaunang Ifugaw, Hanunuo Mangyan, at Bagobo dahil sunod ito sa matandang anyo na patulis ang dalawang dulo at ang katawan ay sapad. Nababanggit na nilalaro ito ni Wigan, pangunahing tauhan sa epikong-bayan ng mga Ifugaw.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: