Ang bilyar ang isa sa pinakapopular na larong pampalakasan sa buong Pilipinas.


Tulad ng basketbol, makikita itong nilalaro sa kanto-kanto; sa katunayan, ang ilan sa pinakamagaling na manlalaro ng bilyar sa buong daigdig ay nahasa sa mga maliit na bilyaran ng ating bansa.

Maaaring tumukoy ang salitang ”bilyar” sa kahit alin sa mga isports na gumagamit ng tako (cue stick sa Ingles), tulad ng snooker, English billiards, at pool. Ang huli ang higit na nilalaro sa bansa, lalo ang mga bersiyon nitong eight-, nine-, at ten-ball.


Nilalaro ang bilyar sa pagtira ng cue ball (puting bola na walang numero) gamit ang tako upang pabanggain ito sa iba pang bola na dapat pumasok sa mga butas sa gilid ng mesa.


Kilala ang Filipinas sa buong mundo bilang isang sentro ng larong bilyar. Dito ginaganap ang ilan sa pinakapremyadong torneo sa buong mundo, at daan-daang manlalaro, lalaki at babae, mula sa iba’t ibang bansa ang mdumadayo sa bansa upang makipagtagisan ng galing sa mga Filipino.


Maituturing na mainam na paraan ng ”sports tourism” ang pagsusulong ng mga ganitong paligsahan.


Ilan sa mga pangunahing manlalaro ng bilyar sa kasalukuyan ay mga Filipino. Nangunguna sina Francisco ”Django” Bustamante, Ronato Alcano, Dennis Orcollo, at lalo na si Efren ”Bata” Reyes, na kinikilala ng mga internasyonal na eksperto ng bilyar bilang isa sa pinakadakilang manlalaro sa kasaysayan, at siya ring unang Asyano na mahirang sa Hall of Fame ng Billiards Congress of America.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: