Jack en Poy
Dahil sa pangalan, malimit isiping mula ito sa mga Amerikano, bagaman mula ito sa mga Hapones na janken at may ipinansasaliw na himig na katulad din ng walang kawawaang tugmang “Jack en poy,/ halehale hoy,/ si Kenkoy,/ naunggoy.” At sinusundan ng pagbilang na “Isa, dalawa,tatlo” o kayâ “Wan, tu, tri” bago magpaligsahan ang naglalaro sa ililitaw na anyo ng kamay.
Kailangan ang dalawang bata sa paglalaro. Itinitikom ng dalawa ang kanilang kanang kamao at kasabay ng himig ng “jack en poy” ay itinataasbaba ang mga ito. Sa dulo ng himig, ihuhugis ng bawat isa sa pamamagitan ng palad at mga daliri ang nais niyang ipanlabang anyo. Tatlo ang panlabang anyo at ang sumusunod ang kahulugan: Una, ang nakabukas na palad ay papel. Ikalawa, ang nakakuyom na kamao ay bato. Ikatlo, ang nakakuyom na kamao ngunit nakaturo ang unang dalawang daliri ay gunting.
Sa labanan, tinatalo ng papel ang bato dahil puwedeng ibalot sa papel ang bato. Tinatalo naman ng gunting ang papel dahil nagugupit nitó ang papel. Ngunit tinatalo naman ng bato ang gunting dahil masisira ang gunting kapag ipinanggupit sa bato.
May dagdag pang baryasyon. Ang nakasarang kamay ay bato. Ang nakasarang kamay na may daliring nakaturo paitaas ay pako. Ang kamay na itinaas ngunit nakabukas paibabâ ang palad at tila nagwiwisik ang mga daliri ay ulan. Kapag isinama ang tatlong simbolong ito sa naunang tatlo ay magbabago ang patakaran sa laro.
Sinisira ng bato ang bakal kaya tinatalo nito ang gunting at pako. Ang gunting ay gumugupit sa papel. Ang papel ay naipambabalot kaya tinatalo nito ang bato at pako. Malakas ang ulan, binabasa ng ulan ang papel at nagdudulot ng kalawang sa gunting at pakò. Tabla ang ulan at bato, bagaman may nagsasabing dapat panalo pa rin ang ulan dahil unti-unti nitóng inaagnas ang bato.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Jack en Poy "