pako

Pako


Ang pako, tagábas, elétso, o kaliskis-ahas (fern sa Ingles) ay isang klase ng halaman na may iba’t ibang kaurian. Nabubúhay ito sa tabi ng ilog at sapà. Ginagamit sa ngayon ang tagabas para sa pag-aayos ng mga bulaklak para sa kasalan at iba pang pagdiriwang. May isang uri ng tagabas na nakakain at kilala rin ito sa tawag na pakô na karaniwang ginagawang ensalada o talbos sa ginataang isda, suso o kuhol.


Kabilang ang pakô sa 12,000 species ng halaman sa ilalim ng grupong Pteridophyta. Kaiba sa lumot, mayroong xylem at phloem ang pakô. Mayroon itong mga dahon, katawan, at mga ugat. Nakapagpaparami ito sa pamamagitan ng mga spores dahil wala itong mga buto at bulaklak. Nakadepende ang búhay ng pakô sa mycorrhizal fungi. Maraming pakô ang inaalagaan para sa halamang pandekorasyon, bilang kasama ng ibang pinagputol-putol na sanga ng ibang halaman, at ang iba ay sadyang bilang halamang pambahay.


Ang ibang species ng pakô ay ginagamit na panlinis sa mga lupang may kontaminasyon. Napatunayan na magaling na gamitin ang pakô upang alisin ang mga kemikal na tulad ng arseniko sa lupa. Maraming pananaliksik upang tuklasin pa ang kapasidad ng pakô na linisin ang mga polusyon galing sa mga kemikal sa hangin.


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr


Mungkahing Basahin: