Halamang-Buto
Ang naturang buto ay ang gumulang at pertilisadong ovule ng namulaklak na halaman. Nabibilang sa halamang-buto ang mga legumbre at nuwes.
Ang legumbre ay mula sa pamilyang Fabaceae na kilala rin bilang pamilya ng bean. Matatagpuan ito malalaking punongkahoy hanggang sa mga maliliit na yerba. Karaniwan itong may kaluban o pod na kusang bumubuka upang palabasin ang buto.
Ang mga nuwes naman ay buto na may matigas at nakakaing laman. Maaari itong ituring na prutas at buto. Hindi nito nabibiyak ang matigas na balat at umaasa sa ibang paraan, gaya ng pamumulok o predation, para pakawalan ang buto. Mayroon itong tatlong pamilya ang Juglandaceae, Fagaceae, at Betulaceae.
Mayroong daang libong uri ng bean sa buong mundo at ilan dito ang nakakain ng tao. Isa ito sa mga halamang matagal nang itinatanim ng mga sinaunang sibilisasyon. Mahalaga itong mapagkukunan ng protina.
Ang patanì o lima bean (Phaseolus lunatus) ay baging na payat at makinis, may dahong tatlong pilas, lungti o mapusyaw na dilaw ang bulaklak, at nakakain ang bunga na malalaki ang buto.
Ang sítaw o string bean (Vigna unguiculata) ay mayroong napakahabang pod. Ang bataw o hyacinth bean (Dolichos lablab) naman ay makinis na baging na nakakain ang bunga at dahon, mayroong kalauban na biluhaba at kulay lila ang gilid.
Ang bitsuwelas kilala ring snap bean o Baguio bean (Phaseolus vulgaris) ay uri ng halamang mabuto ang bunga na hawig sa sitaw ngunit mas maikli. Ang utaw o soybean (Glycine max) ay halamang nakukuhanan ng sangkap sa paggawa ng tokwa at toyo.
Ang sigarílyas o winged bean (Psophocarpus tetragonolobus) ay halamang baging na may bungang kaluban na may apat na panig. Ang munggó o mung bean (Vigna radiata) ay mayroong maliit, bilugan, at lungtiang butil.
Ang sitsaro o pea (Pisum sativum) ay uri ng yerba na nakakain ang lungtiang bunga. Ang gisantes o sweet pea (Lathyrus fruttescens grossum) ay halamang gumagapang at may matamis at mabangong bulaklak. Kapuwa nása kaluban ang buto ng sitsaro at gisantes.
Samantala, ang garbansos o chickpea (Cicer arietinum) naman ay isang legumbre na putî ang bulaklak, 4-5 sm ang taas, at katulad ng patani ang bunga.
Ang mani o peanut (Arachis hypogaea) ay mayroong pod na biluhaba, makunat, may disenyong sanga-sanga, at naglalaman ng isa hanggang tatlong butong bilugan at makinis.
Ang linga o sesame (Sesamun indicum) ay halamang may maliliit, bahagyang manipis, at bilugang buto na nakakain at nagdudulot ng langis.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Halamang-Buto "