Kung mag-anak ang ubod ng ugnayang pantao, namumulat ang anak sa katatsulok na ama at ina. Dagdag niyang kasama ang kapatíd. Lumalaki pa ang mundo ng bata (anak) sa kamag-anak, kapitbahay, kanayon, kababayan.


Sa silokohiyang Filipino, ang lahat ng tao na iba sa sarili niya ang kapuwa at ang ugnayan niya sa mga ito ang naiiralan ng pakikipagkapuwâ.


Sa aspektong pangwika, pansinin ang makabuluhang gamit ng unlaping ka- sa lahat ng inuugnayan ng bata habang lumalaki. Gaya ng kapuwa (ka+puwa), natututuhan niyang ituring na bahagi ng kaniyang sarili ang ka+patid, ka+mag-anak, ka+lapitbahay, ka+nayon, ka+babayan dahil bahagi ng kaniyang lumalaking sariling daigdig.


Pinakamalapit ang kapatid dahil pinutol o pinatíd silá sa iisang inunan ng ina. Ganoon din ang kamag-anak, na mula sa iisang ninunong nanganak. Ang sumunod na mga ugnayan ay naiiralan ng pook na sinilangan o lupang tinubuan.


Isang batayang konsepto sa sikolohiyang Filipino ang kapuwa dahil pinapatnubayan nito ang kabuuang ugali at halagahan ng tao sa loob ng kaniyang lipunan. Ang praktika nito, ang pakikipagkapuwa (o pakikipagkapuwa-tao), ay isang kodigong moral ng mga kailangang sabihin at ikilos ng tao sa sinilangang lipunan.


Sa kabuuan, ginagabayan nito ang tao tungo sa mabisa at makatuturang pakikipag-ugnayan sa iba, batay sa pagsisikap na maitatag ang kapayapaan at kapanatagan sa kaniyang daigdig.


Kasangkapan tungo sa mahusay na pakikipagkapuwa ang mga tradisyonal na halagahang gaya ng pakikisama, hiya, delikadesa, bayaníhan, at iba pa na natututuhan ng batà sa tahanan at unang kaligiran.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: