pakikisama

Pakikisama


Napakasaklap mapagsabihang “walang pakikisáma.” Parang napakasamâ mong tao. Ang pakikisáma, sa gayon, ay isang mabigat na hálagáhang moral at nagpapataw ng malaking tungkulin sa isang tao upang maging katanggap-tanggap sa kaniyang lipunan. Itinuturing itong halos kakambal ng pakikipagkapuwâ at nagiging batayang pamantayan sa pagpapakatao. Ang ibig sabihin, nasusúkat ang halaga o katangian ng isang tao alinsunod sa husay niyang makisáma—ang paggamit ng angkop na ugali, wika, at kilos upang maging mahusay na kapatid, kamag-anak, kaibigan, kapitbahay, kanayon, o kamag-aral, katrabaho, at kababayan. Sa pamantayan ng pakikisáma ay walang puwang ang pagiging indibidwalista at pagtatrabahong mag-isa, dahil maaaring mapagkamalang “mayabang,” “suplado,” o “sirâ ang ulo.”


Dahil sa unlaping “ka-“ sa mga pinakikisamáhan, sinasabing ang hálagáhang ito ay nakaugat sa wastong paggálang sa kapuwâ o sa pagtuturing sa ibang tao na kapantay at bahagi ng sarili. Sa gayon, hindi dapat sumalungat ang lunggati at pangarap ng tao sa karapatan at kalayaan ng kapuwâ. Sa halip, nakadaramá lámang siyá ng dalisay na kaligayahan at tagumpay kapag naibabahagi niya ito at nagiging kaligayahan at tagumpay din ng iba.


Ngunit isang magandang halimbawa ang pakikisáma hinggil sa wastong pagtimbang sa tradisyonal na hálagáhan. Hindi ito absoluto. Manapa, nalalakipan lagi ng pasubali at hanggahan. Kayâ ang bulág na pagsunod ay kapahamakan. Higit na kailangan ang maingat na pagtimbang sa sitwasyon at sa paggamit ng nararapat na hálagáhan o ng angkop na pagpapahalaga sa isang hálagáhang panlipunan. Wika ng isang salawikain: “Ang pagsasabi nang tapat/Ay pagsasámang maluwat.” Isang paliwanag ito sa halaga ng katapatan lalo na sa kaibigan. Ngunit payo din ng isa pang tula: “Sa bulag ka magtiwala;/ Mag-ingat din sa may dila.” Tinutukoy naman nitó ang kahinaan ng maraming tao, lalo na ang hinggil sa pag-iingat ng personal na lihim. Ang ibig sabihin, kailangang maging napakaingat din sa pagpilì ng kaibigan. Maraming nagaganap na krimen dahil sa hindi wastong pakikisáma. Nagiging sanhi din ito ng nepotismo at pandaraya. May “marunong makisáma” na ginagamit ito para sa pansariling interes at pakinabang.


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr