Kamag-anak
Lumalaki ang mag-anak kapag nag-asawa at nagkaanak ang anak o mga anak sa ubod na mag-anak. Ang ibig sabihin, nadadagdag na kamag-anak ang asawa ng anak sa ubod na mag-anak; tinatawag na manugang ng magulang sa ubod, tinatawag ng kapatid na hípag kung babae at bayaw kung lalaki. Ang anak ng nag-asawa ang tinatawag namang apo ng magulang.
Ngunit sa maluwag na pakahulugan, ang kamag-anak ay lumalawak pa kapag nag-asawa ang isang anak sa ubod na mag-anak. Ang magulang ng napangasawa ay tinatawag na biyenan ng nag-asawa at balae ng magulang sa ubod. Ang mga kapatid ng napangasawa ay ituturing ding hípag o bayáw ng nag-asawa. Sa gayon, bawat pag-aasawa mula sa ubod na mag-anak ay nangangahulugan ng isang dagdag na pamilya ng kamag-anak.
Idinadagdag ding kamag-anak ang pínsan o mga pínsan ng magulang sa ubod na mag-anak. Tinutukoy nito ang kaugnay ng magulang sa kanikanilang pinagmulang mag-anak, ang kanila mismong mga magulang at mga kapatid, gayundin ang pamangkín o anak ng kanilang kapatid. Lumalawak pa ito kapag itinuring ang tinatawag na pínsang makalawa at pínsang makaitló, na siyang nagaganap kapag magkakalapitbahay ang lahat sa isang nayon.
Isa ring katotohanan na nagdadagdag sa magkamag-anak ang sistemang nínong at nínang (mula sa Espanyol na padríno o madrino). Kapag totoong matalik ang ugnayan ng mga magkumpare o magkumare at mag-inaanak ay nagiging bahagi ng kani-kanilang pamilya ang lahat.
Sa gayon, bawat pag-aanak sa binyag, kumpil, o kasal ay maaaring magpalaki sa ugnayang kamag-anak. Sinasabi nga na malimit ay iisang angkan o magkakamagának ang lahat ng tao sa isang nayon sa Filipinas. At ang bagay na ito ay nagagamit sa mabuti at sa masamâng paraan.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Kamag-anak "