Ano ang abay?


Ang abay ay ang mga katuwang ng magkasintahan sa pagdaraos ng kanilang kasal lalo na sa tradisyong Katoliko sa Pilipinas. Maaaring maigrupo ang mga abay ayon sa kasarian at sa kanilang mga papel sa mga seremonya ng kasal.


Ang mga abay na babae ay pinangungunahan ng pangunahing abay na babae o maid/matron of honor. Kalimitang siya ang pinakamalapit sa babaeng ikakasal kung kaya maaaring siya ang kapatid o matalik na kaibigan nito.


Ang pangunahing abay ang katuwang sa paghahanda sa lahat ng mga pangangailangan ng ikakasal bago, habang nagaganap, at matapos ang seremonya. Kailangan niyang tiyakin na naihanda ang lahat ng kagamitang pangkasal lalo na ang trahe at singsing.


Sa mismong kasal, tinitiyak niya ang maayos na paglakad ng babaeng ikakasal sa altar at ang anumang pangangailangan nitó habang idinaraos ang seremonya.


Samantala, ang best man o pangunahing abay na lalaki naman ay karaniwang matalik na kaibigan o kapatid ng lalaking ikakasal. Tungkulin niyang tulungan ang ikakasal na maihanda ang lahat ng kailangan para sa seremonya. Siya ang unang-unang lumalakad sa prusisyon ng mga kalahok sa kasal bilang tagapaghanda sa pagdating ng lalaking ikakasal.


Kapuwa ang best man at maid of honor ang namamahala sa pagpapapirma sa kontrata ng kasal sa mga ninong at ninang matapos ang seremonya. Sila rin ay naaatasang magbigay ng maikling talumpati o mensahe para sa bagong kasal sa panahon ng reception o palatuntunan sa kainan.


Abay rin ang tawag sa mga magkaparehang lalaki at babaeng naatasang mag-ilaw ng kandila, maglagay ng belo at ng tali sa mag-asawa sa seremonyas ng kasal. Sila ang tinatawag na secondary sponsor.


Samantala, bukod sa kanila ang mga katuwang ng best man at maid of honor ay tinatawag ring abay. Sila ang bridesmaids at groomsmen na maaaring isa hanggang lima o higit pa depende sa nais ng ikakasal.


Isang uri rin ng abay ang mga batang katuwang sa seremonyas gaya ng mga batang lalaking tagapagdala ng singsing at aras at ng mga batang babaeng nagdadalá ng mga bulaklak.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr