Ano ang ibig sabihin ng arras?


Tinatawag ding mga “baryang pangkasal” ang arras, binubuo ito ng labintatlong gintong barya na inihahandog ng lalaki sa babae sa loob ng seremonya ng kasal na Kristiyano.


Malaganap ang kaugaliang ito sa Espanya, kaya isang salitang Espanyol ang arras, Amerika Latina, at Pilipinas.


Ang orihinal diumanong kahulugan nito ay “paunang-bayad,” “presyo ng nobya,” o “yaman ng nobya.” Ngunit sa seremonya ng kasal, nangangahulugan ito ng mahigpit na pagkakaisa.


Kalakip ng inihahandog na arras ang sumpa ng nobyo na idulot ang lahat ng pangangalaga para sa pangangailangan ng bagong pamilya.


Sa Espanya, nakalagay ang arras sa isang munti’t may dekorasyong kahon na tinatawag na madrina de arras.


Sa Pilipinas, inilalagay ang mga gintong barya sa isang lukbutan o basket. Binabasbasan muna ito ng pari bago ibuhos ng nobyo sa nakabukas na mga palad ng nobya.


Bakit labintatlo ang barya? Sumasagisag diumano kay Kristo at sa labindalawang apostoles.


Inuugat ang arras sa matandang kaugalian kaugnay ng dote. Bahagi noon pa ng pag-iisang-dibdib sa Pilipinas ang pagbibigay ng “bigay-kaya” na binubuo ng salapi o ari-arian mula sa isang panig ng mga pamilya ng ikakasal.


Sinasabing mula ang arras sa pagbibigayan ng gintong singsing sa lipunang Visigoth.


Sa sinaunang Roma, bahagi ng kasal ang pagbiyak sa ginto o pilak sa dalawang piraso upang paghatian ng ikinakasal. Sa matandang Espanya, ang paghahandog ng mga barya ay kumakatawan sa dote para sa nobya at isang sagisag tungo sa mabilis na prosperidad ng mag-asawa.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: