Bigay-Kaya
Kapag nagkasundo sa pag-iisang-dibdib ang mga pamilya ng isang binata at isang dalaga, hihilingan ang binata o ang pamilya nito ng kaukulang “bayad” sa halaga ng babae.
Katulad ito ng dote sa tradisyong Kanluranin. Gayunman, may mga aspekto ang bigay-kaya na wala sa pagbibigay ng dote sa Europa.
Ang pangunahing bigay-kaya ay handog ng lalaki sa mapangangasawa.
Noong sinaunang lipunan, maaaring buuin ito ng mga kasangkapan, ginto, bukirin, at alipin. May hiwalay ding handog ang lalaki sa magulang ng babae at tinatawag itong panghimuyat (bayad sa pagpupuyat at iba pang sakripisyo ng magulang sa pagpapalaki sa anak). Bukod pa dito ang handog sa yaya o nag-alaga sa babae noong bata pa at tinatawag namang bigay-suso.
Malimit na nagsisimula ang lahat sa panliligaw ng binata sa dalaga.
Isinasagawa ito sa pamamagitan ng mga libreng serbisyo sa tahanan ng dalaga (paglilinis ng bakuran, pag-igib ng tubig mula batis o balon, pagtulong sa pagsasaka o pangingisda.) Ito ang tunay na kahulugan noon ng panunuyo o pagpapamalas ng pagsuyo.
Sa pamamagitan ng paninilbihan sinusukat ang sigasig ng lalaking umiibig. Kapag nakakita ng pag-asa, idinadaos ang pamanhikan o literal na pagpanhik sa bahay ng babae. Isinasama ng lalaki ang kaniyang magulang at iba pang iginagalang na tagapamagitan sa nayon upang pormal na hingin ang kamay ng sinisinta.
Isang masalimuot na okasyon ang pamanhikan, gaya ng mababása sa maikling kuwentong “Kung Baga sa Pamumulaklak” ni Macario Pineda. Sa pag-uusap sa pamanhikan naipapasiya ang kailangang tupding bigaykaya bago ang kasal.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Bigay-Kaya "