Pamanhikan
Ano ang Pamanhikan?
Isang matandang kaugalian ang pamanhíkan hinggil sa paghingi ng pahintulot na makasal ang magkasintahan. Sa isang itinakdang araw, isinasáma ng lalaki ang kaniyang magulang sa tahanan ng kasintahan upang “mamanhik” o “makiusap” sa magulang ng babae na pahintulutan siláng makasal. Sa okasyong ito ay pinag-uusapang mabuti ang lahat ng kailangang ihanda kapag sumang-ayon ang magulang ng babae, mula sa takdang araw ng kasal, dote kung hilingin, mga ninong at ninang, kasuotan, at kahit ang pagkaing ihahanda.
Ngunit inaasahan o bahagi ng tradisyon na hindi agad sumang-ayon ang magulang ng babae. Bahagi din ng tradisyon na hindi tahasang manghingi ng pahintulot ang magulang ng lalaki. Nagkakaroon muna ng mapagpahiwatig na mga palitan ng pahayag upang maiwasan ang pagkapahiyâ, lalo na kung inaakalang estrikto ang magulang ng babae o ayaw pa ng mga ito na magasawa ang anak. Sa gayon, malimit na nagsasáma ang partido ng lalaki ng tagapamagitan—isang tao na ginagálang sa komunidad, halimbawa’y ang kapitan ng barangay, o isang matalik na kaibigan ng ama ng babae. Ang igting ng nabanggit na suliranin sa pamanhíkan ay naisadula ni Macario Pineda sa kuwentong “Kung Bagá sa Pamumulaklak.” Nag-usap ang magkabilâng panig hinggil sa pamumulaklak at pagpitas ng mangga ngunit hinggil sa paghingi ng kamay ng babae ang tunay na tinutukoy.
Sa isang pangkatin sa Mindanao, ang pamanhíkan ay isang ritwal na pinanonood ng komunidad. Umaarkila ng mga makata ang magkabilâng pamilya at ang mga makata, sa pamamagitan ng makukulay na taludtod, ang nagtatawaran sa kaukulang dote at handaan na dapat pagkagastusan sa kasalan.
Pinagmulan: NCCA Official via Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Pamanhikan "