Ang paglaganap ng Islam sa Filipinas
Nangangahulugan itong “pagsuko kay Allah.” Muslim ang tawag sa tagasunod ng relihiyong ito. Lahat ng kanilang gawain ay iniaalay nila kay Allah at para sa kanila, lahat ng Muslim ay magkakapatid sa isang komunidad.
Nagsimula ang pagkalat ng relihiyong Islam sa pagpunta ng mga mangangalakal na Arabe at Persian sa Asia. Sa Tsina sila unang nagpunta. Paglaon, nakarating ang mga mangangalakal na Muslim hanggang Borneo at mula dito hanggang Sulu at Palawan. Kasabay nito ang pagkalat din ng relihiyong Islam.
Nanirahan ang mga Muslim sa Jolo noong mga ika-14 siglo o mas maaga pa. Ang mga mangangalakal na Muslim ay nakapagasawa ng mga babeng katutubo at piniling manirahan na dito. Sa kalagitnaan ng ika-14 siglo, dumating ang mga misyonerong Sufi at ginawang Islam ang mga Malay. Dumating ang mga Sufi sa Sulu noong 1381. Ang mga Sufi ay mga Muslim na nakapag-aral, nagturo sa mga katutubo ng makabagong medisina, sining, at nangaral tungkol kay Mohammed.
Sa kalagitnaan ng ika-15 siglo, napabinyag sa Islam pati mga katutubong pinuno at iniayon sa Islam ang kanilang pamamahala.
Sa Sulu, nagsimula ang sultanato noong 1450 at si Sharif-ul-Hasim Ababakr ang naging pinakaunang sultan. Bahagi ng sultanato ang Sulu, Basilan, Borneo, at Hilagang Borneo, gayundin ang Zamboanga.
Sa pamamagitan ni Sharif-ul-Hasim, lalong naging mabilis ang pagkalat ng Islam sa silangan at hilagang bahagi ng Mindanao sa pamamagitan ng mga ulama o mga gurong Muslim.
Sa huling bahagi ng ika-15 siglo, nagtungo ang mga ulama (sina Sharif Auliya at Sharif Majarajah ayon sa tarsila ng Maguindanao) sa Malabang at Cotobato. Napangasawa ni Sharif Auliya ang anak na babae ng isang katutubong pinuno sa Pulangi at nang magbalik siya sa Arabia, naiwan niya ang kaniyang anak na babae na naging asawa naman ni Sharif Majarajah.
Ang ugnayan dahil sa pag-aasawa ang lalong nagpalawak sa komunidad ng Muslim hanggang sa Maguindanao, Buayan, at Butig. Hanggang ngayon, marami sa Muslim ang nananatili sa Sulu at malaking bahagi ng Mindanao.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ang paglaganap ng Islam sa Filipinas "