Koran
Itinuturing din itong pinakamarikit na piraso ng panitikan sa wikang Arabe. Nahahati ito sa 114 na kabanata, tinatawag ang bawat isa na surah, at pinaniniwalaang sinulat ni Muhammad sa loob ng 23 taon mula noong 610 at hanggang mamatay siya noong 632.
Pinaniniwalaang nagmula ang Koran sa salitang Arabe na qara’a na nangangahulugang bigkasin o ang pagbigkas. Matalik na kaugnay ito ng ibang salita sa libro, gaya ng kitab (aklat), ayah (palatandaan), at surah (kasulatan). Ang dalawang hulíng nabanggit ay nangangahulugan din, sa malawakang pagbasa, ng rebelasyon o ang ipinababang pahayag ni Allah.
May tradisyonal na paniwalang nagsimula ang rebelasyon habang nagmumuni si Muhammad sa Yungib Hira. Nagpatuloy ito at naging malimit nang lumíkas siya sa Medina. Ipinasaulo niya at ipinabigkas ang mga rebelasyon sa mga alagad upang sundin ng komunidad na Muslim.
Pagkamatay ni Muhammad, ipinatipon ang Koran ng unang Kalipa Abu Bakr at sa mungkahi ng kaniyang kasunod na Kalípa Umar. Nang mamatay si Umar, ipinamana ang teksto ng Koran kay Hafsa, biyuda ni Muhammad at anak ni Umar.
Napansin ng ikatlong Kalípa Uthman ang mga munting pagkakaiba sa diyalektong Arabe at humingi siya ng pahintulot na ialinsunod ang lahat sa diyalektong tinatawag ngayong Fus’ha (Makabagong istandard na Arabe). Tinatanggap ng mga iskolar na ang kasalukuyang anyo ng Koran ay ang orihinal na tinipon ni Abu Bakr.
Itinuturing ang Koran na pangunahing himala ni Muhammad, ang katibayan ng kaniyang pagiging Propeta, at ang katapusan ng mga kalatas mula sa langit na nagsimula sa mga kalatas kay Adan, ang unang propeta, at nagpatuloy hanggang sa ebanghelyo ni Hesus. Ipinapaloob at ipinapaliwanag sa Koran ang maraming pangyayari sa mga kasulatang Hebrew at Kristiyano.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Koran "