Ang mga Arabe ay isang pangkating etniko na malaganap sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika. Isa sila sa mga unang dayuhang nakipagkalakalan sa Pilipinas.


Masigla ang kalakalan ng mga Arabe at mga Tsino nang buksan ang Canton sa dayuhang kalakal. Subalit noong ikasiyam na dantaon, ipinagbawal ng Dinastiyang Tang ang pagpasok ng mga Arabe sa kanilang bansa. Dahil dito, napilitang silang maghanap ng ibang ruta hanggang sa matagpuan nila ang Calamianes at Mindanao. Nakipagkalakalan sila sa mga katutubo doon na naging unang palatandaan ng kalakalan ng mga Arabe at ng mga Filipino.


Hindi naglaon, hindi lamang mangangalakal ang dumating sa Filipinas. Dumating din ang mga misyonerong Arabe upang magpalaganap ng pananampalatayang Islam. Si Karim al-Mukdum ang itinuturing na kaunaunahang misyonerong Arabe na nagpahayag ng mga aral ng Islam noong 1380. Sinundan ito ni Rajah Baguinda  at ni Abu Bakr noong 1450.


Si Abu Bakr ang nagpatuloy ng pagpapalaganap ng Islam sa Sulu at sa karatig na mga pulo. Higit na napadalî ang pagpapalaganap nang Islam ng pagsama-samahin ang mga barangay na tumanggap nitó at nang itatag ang mga sultanato,


isang uri ng pamahalaan na pinamumunuan ng isang sultan. Si Abu Bakr naging kauna-unahang sultan ng Sulu.


Bukod sa relihiyong Islam at pamahalaang sultanato, ilan pa sa mga impluwensiya ng mga Arabe ay ang pagbilang, pagsasalita, at pagsulat sa wikang Arabe. Ilan sa mga salita sa wikang Arabe ay naisama na sa bokabularyong Filipino ay hukom, pilat, salamat, at sulat.


Sa musika, maraming instrumento at sayaw ang hango sa mga ipinakilála ng mga Arabe, tulad ng sayaw na singkil. Sa larangan ng panitikan, naging inspirasyon naman sa paggawa ng maraming kuwento ng mga Mëranaw at Tausug ang mga kuwentong bayan sa Arabia.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: