Si Sharif ul-Hashim, iniuulat ding Abubakar (o Abubakr), ang kinikilalang unang sultan ng Sulu.


Ang buong titulo niyang nakaukit sa tumba ay “Paduka Mahasari Maulana al Sultan Sharif ul-Hashim.”


Ang “maulana” ay nangangahulugan ng “tagapagtanggol” at ipinantatawag sa isang iginagalang na guro at nakapag-aral na tao. Nagkakaisa ang mga tarsila na ang titulo niya ay “Sharif ul-Hashim” ngunit hindi binabanggit ng lahat na “Abubakar” ang kaniyang pangalan. Hindi rin tinitiyak ang panahon ng kaniyang pagkabuhay bagaman tinataya na bandang ika-15 siglo at nagsimula ang kaniyang pamumuno noong 1450.


Alinsunod sa mga ulat, si Abubakar ay isang Arabe mulang Palembang at Brunei at nagtungo sa Buansa, Sulu. Doon niya nakatagpo si Raha Baguinda, nanirahan sa piling niya, at hindi naglaon ay ikinasal sa anak na si Paramisali.


Ipinahihiwatig ng mga ulat na malalim na ang ugat ng Islam sa Sulu nang dumating siya. Mga Muslim na ang mga datu at ibang pinuno na tumanggap sa kaniya at kumilala sa kaniya bilang unang sultan.


Sinasabing tinanggap ni Abubakar ang titulong sultan sa kondisyong magkakaroon siya ng ganap na kapangyarihan sa mga tao at pook na maaabot ng tunog ng maharlikang gong at ang ibang lugar at isla ay paghahatian ng mga datu.


Hinati sa gayon sa limang distrito ang buong sultanato at bawat isa’y nasa ilalim ng isang panglima. Isang malaking tagumpay ni Sultan Sharif ul-Hashim ang kumbersiyon sa Islam ng mga Buranun o komunidad sa kabundukan.


Pinaniniwalaang nabuhay si Sultan Sharif ul-Hashim nang 30 taon at nag-iwan ng mga kaangkan. Isa sa kaniyang mga anak na lalaki, si Kamal udDin ang pumalit sa kaniya.


Ang kaniyang marikit na tumba-monumento ay makikita sa Bundok Tumatangis. Maaaring ginawa ito noong buhay pa siya dahil walang nakaukit na petsa ng kaniyang kamatayan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: