On
Ang gong ay isang tila bilog at malaking tambol na metal.


Pinupukpok ito ng kamay o piraso ng makapal na kahoy upang tumunog. Laganap ito hindi lamang sa Pilipinas kundi sa ibang bansa sa Silangan at Timog-Silangang Asia at may iba’t ibang gamit, tulad ng pansaliw sa mga awitin, ritwal at sayaw, at pagbabala sa simula o wakas ng isang gawain.


May dalawang pangunahing uri ng gong sa Pilipinas.


Sa hilagang bahagi ng kapuluan makikita ang mga gong na patag lamang at manipis ang gilid o rim. Isang halimbawa nito ang gangsa, na karaniwang may iba’t ibang laki upang makabuo ng isang ensemble. Kamay ang ginagamit upang patunugin ang gangsa.


Sa katimugang bahagi naman ng kapuluan makikita ang mga gong na may umbok sa gitna at mas malapad na gilid. Ang mga ito ay maaaring nakabitin o nakahilera sa isang lalagyan. Isang halimbawa ng ensemble ng mga gong sa Mindanao ay ang ahong na binubuo ng sampung gong na nakabitin.


Sa gong ensemble naman ng mga Magindanaon, nariyan ang kulintang na binubuo ng walong may magkakaiba ng laking gong na nakahilera sa isang lalagyan; gandingan na may manipis na rim, nakabitin at may iba’it ibang laki; agung na siyáng pinakamalaking gong, may pinakamalapad na rim at may pinakamababàng tunog na nalilikha; at ang babandil na maliit din at may manipis na rim. Ang lahat ng gong ng mga Manguindanaon ay pinupokpok ng kahoy.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: