Ano ang Agung?
Ito ay may bilog na umbok sa gitnang bahagi at may malapad na papaloob na tagiliran. Karaniwang makikíta ang agung sa katimugang bahagi ng Filipinas kagaya ng Palawan, Mindoro, at mga isla ng Sulu, Mindanao at sa kalookan nito kagaya ng Ata, Bagobo, Bukidnon, Hagaonon, Mandaya, Mangguangan, Manobo, Mansaka, Matigsalog, Subanon, Tagakaolo, Tiboli at Tiruray.
Kinabibilangan din ng Mamanwa, Tiboli, Hanunuo, Bagobo, Magindanaw, Maranaw, Tagbanwa, Tiruray, at Yakan ang iba pang Filipinong gumagamit ng tradisyonal na instrumentong agung.
Sa okasyon ng Batak sa Palawan, tinutugtog ang agung kasaliw ng gimbal, isang uri ng tambol, habang nanggagamot ang mga babaeng babaylan. Ang gawaing ito ay halaw sa Tagbanwa ng Palawan.
Sa Tiboli naman, ang isang kasiyahan katulad ng moqninum, na pagdiriwang ng anibersaryo ng kasal ng kilalang mag-asawa, ay okasyon upang tugtugin ang agung.
May iba’t ibang uri ng agung: ang mabigat na tembag na hindi tinutugtog ngunit prominenteng makikita sa tahanan bilang simbolo ng kayamanan ng may-ari nito. Malaking porsiyento nito ay gawa sa tingga at maliit lamang na bahagi nito ang tanso.
Ang benegulitok ay katulad ng tembaga ngunit mas magaan. Tinutugtog ito kasama ng gong na tinatawag na sembakung.
Ang blowon naman ang pinakamagaan at pinakamakinis na gong. Kompara sa Mindanao at Palawan, ang gong ng Hanunuo ay mas maliliit. Nakasabit ang pares ng agung at magkaharap ang umbok
ng mga ito.
Sa pagtugtog, habang pinupukpok ng mga patpat ng isang musiko ang parehong umbok, may isa o dalawa pang pumupukpok naman sa gilid ng mga instrumento – dalawa ang ritmong lumalabas dito, ang mabilis na binalinsay at ang mabagal na dinulut.
Ang tugtog na ito ay idinaraos sa sayaw ng kalalakihan. Ang musika ng agung ay tinutugtog sa kasiyahan matapos ang anihan na tinatawag na panludan.
Bukod sa mga agung, ang iba pang instrumentong maririnig sa pagdiriwang ay plawta, gitara, zither, at mga patpat na perkusyon. Sa Tiruray, ang salitang agung ay maaaring mangahulugang tono ng gong. At agung din ang titulo ng isang uri ng musikang tinutugtog sa tangunggu na isang zither.
Pinagkunan: Kermit Agbas
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ano ang Agung? "