Busaw
Sa ibang Bagobo, tinatawag ding buso ang mga halimaw na naging sanhi ng katatakutan. Dahil may hitsura at kilos tao ang mga busaw, mahirap itong matukoy kapag nakasalubong.
Sa paniniwala ng mga Bagobo, ang mga busaw ay kumakain ng mga patay na katawan ng tao at nakapapanakit ng mga tao. Sinasabi rin nila na ang mga busaw ay mahilig kumain ng mga bata.
Upang hindi kainin ng busaw ang mga bangkay, kinakailangang pahiran ito ng mga halamang-ugat at mga dahon na may mapait na lasa. Maaari ring maglagay ng asin at suka sa bangkay upang hindi lapitan ng busaw.
Sa kuwentong-bayan ng mga Bagobo na pinamagatang Ang Busaw at Dalawang Bata, minsang pumunta sa ilog ang ina ng mga bata upang mag-igib at manguha ng igat. Habang nĂ¡sa ilog, hinila ng igat ang ina at dinala sa malalim na bahagi ng ilog upang lunurin.
Nagkatawang-tao ang busaw na namamahay sa ilog at ginamit ang katawan ng ina ng mga bata upang linlangin ang mga ito at makain.
Pagdating sa bahay, nagtaka ang panganay na anak kung bakit hawak-hawak ng ina ang isang igat gamit lamang ang kaniyang mga kamay. Nagduda ang bata at nagplanong umalis sa bahay. Nang makatulog ang busaw, mabilis na tumakas ang mga bata.
Nagpatulong sila sa palaka at bubuyog na nakasalubong ngunit hindi natulungan ang mga bata. Isang usa ang nakasalubong nila at sinabihang silang sumakay kapag dumating ang busaw. Nang malapit na ang busaw sa kinalalagyan ng mga bata at usa, mabilis na tumakbo ang usa at saka iniwan sa isang mataas na puno ang magkapatid.
Nakipagbuno ang usa sa busaw ngunit dahil sa lakas ng busaw, natalo at kinain din ito ng busaw. Sa punongkahoy, isang batang lalaki ang nakipag-usap sa magkapatid. Sinabi niyang kapatid din siya ng mga bata at kinailangan nilang patayin ang busaw. Gamit ang mga damo, luya, at iba pang halamang-gubat, kanilang natalo ang busaw.
Sa kasalukuyan, iniuugnay ng ilang pamayanang Bagobo ang busaw sa mga pumapasok sa kanilang lupaing ninuno. Kabilang sa mga makabagong busaw ang mga nagmimina at mga misyonero. Para sa mga Bagobo, ang pagpasok sa kanilang tinitirhan ay nagiging mapanganib para sa kanilang kultura, kalikasan at kalusugan.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Busaw "