On
Ang Asin


Puting-puti at pinong butil na mineral ang asin at karaniwang nagbibigay lasa sa mga pagkaing iniluluto o sa mga pagkaing prutas man o gulay na kinakain nang hilaw katulad ng manga, bayabas, pipino, pinya at iba pa.


Mahalagang sangkap ang asin sa preserbasyon ng mga karne, halimbawa sa pagtatapa; ng mga isda, halimbawa sa pagdadaeng; ng mga gulay, halimbawa sa pag-aatsara; at ng mga itlog, halimbawa sa paggawa ng itlog na maalat.


Sa mga katutubong kultura sa Cordillera, mahalaga ang asin sa bundok sa pagprepreserba ng karne na tinatawag nilang etag.


May siyentipikong pangalan na sodium chloride sa Ingles, ang asin ay natural na elemento ng tubig alat.


Sa Dasol (mula sa pinagsámang da (Eng ‘the’) sol (Esp ‘salt’), ang lugar ng industriya ng asin sa Pangasinan, maraming salt marshes, mga bahagi sa pampang sa tabing dagat na maraming tubig alat at dinadaanan sa prosesong salinasyon upang maihiwalay ang asin sa tubig alat.


Sa panahon ngayon ang prosesong ito ay pinapabuti pa sa pamamagitan ng paghahalo ng yodo (iodine) sa asin. Mas kilala sa tawag na iodized salt, ito ang gamot o panlaban sa buklaw o bosyo, isang sakit kapag lumalaki ang thyroid glands sa leeg.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: