On
Ang itlog na pula ay binuro o ipinreserba sa asin na itlog ng itik.


Tinatawag din itong itlog na maalat dahil sa maalat na lasa nito. Karaniwan itong kinakain sa agahan. Maaari itong kaining ulam sa sinangag o kaya bilang sisig Tagalog (katulad ng ensalada), hinihiwa-hiwa ang itlog at itinatampok, kapalit ng bagoong, sa hiniwang kamatis at sibuyas o sa putat ng mangga.


Ganito ang isang paraan ng paggawa ng itlog na pula.

  1. Pumilì ng 12 itlog ng itik o manok. 
  2. Magpainit ng 12 tasa ng tubig sa kaserola. 
  3. Lahukan ang tubig ng anim na tasa ng asin at pakuluin.
  4. Pagkatapos, palamigin ang tubig na may asin at isalin sa isang banga.
  5. Isilid sa banga ang mga itlog at lagyan ng pandiin para hindi lumutang. 
  6. Takpan ang bibig ng banga at maghintay ng pitong araw. 
  7. Tikman ang isang itlog. Kung hindi pa gaanong maalat, ibabad pa sa loob ng limang araw. 
  8. Pagkatapos, ilaga ang mga itlog sa loob ng 10 minuto.


May mga itlog na maalat ngayong hindi na kinukulayan ng pula ang balat. Bukod sa Pateros, marami nang bayan sa Pilipinas ang may industriya ng pag-aalaga ng itik dahil sa malaganap na pangangailangan ng taumbayan sa mga itlog na ginagawang balut, penoy, at itlog na pula.


Ang itlog na pula ay ginagamit ding pampalasa sa bibingka at ibang kakanin gayundin bilang dagdag na palamán sa espesyal na siyopaw.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: