On
Isang uri ng kakanin ang bibingka na gawa sa giniling na bigas at iniluto sa gata ng niyog at may timplang asukal.


Kinakain itong kasama ang bagong kudkod na niyog.


Kung espesyal, nilalagyan ito ng mga piraso ng itlog na maalat at kesong putî sa ibabaw.


Tinutukoy ng pangalan nito ang paraan ng pagluluto sa naturang kakanin. Wika nga ng isang kanta, tumutukoy ang bibingka sa bagay na iniluluto nang may apoy sa ibabaw at may apoy sa ilalim.


Inihuhurnong tulad ng tinapay o keyk ang bibingka. Ngunit dahil walang hurno sa kanayunan noon, inimbento ng mga Filipino ang bibingkahan. Inihuhurno ang kakaníng ito sa isang platong metal na may sapíng dahon ng saging at isinasálang sa kalan ng nagbabágang uling.


Pagkatapos, ipinapatong sa plato ang sampirasong kuwadradong yero na may nagbabágang bunot
ng niyog.


Bibingka sa galapong ang karaniwang iniluluto sa Kamaynilaan, lalo na kapag panahon ng Pasko. May gilingang bato noon para gawing galapong ang bigas. May bibingka ngayong gawa sa kamoteng-kahoy.


May timplang tuba ang bibingkang Mandaue. Samantala, may nagtuturing na bibingka ang bíko dahil inihuhurno din ang bigas na may gata at asukal na may timplang anis.


Pinagmulan: Kermit Agbas


Mungkahing Basahin: