On
Maaaring isadula ang posibleng kasaysayan ng binakol sa ganitong paraan.


Maaaring magsimula sa nilagang manok.


Ang pinakasimpleng sinabawang piraso ng manok na may luya bilang pampalasa. Nilagyan ng paminta, nilaga pa rin.


Nilagyan ng repolyo at patatas, nilaga pa rin. At saging na saba, nilaga pa rin.


Maaari pa ngang ihanda nang hiwalay ang mga nilagang repolyo, patatas, saging, at kahit kamote’t sitaw at kainin kasabay ng paghigop ng sabaw ng manok.


May nakaisip ng pagbabago.


Ang nilagang manok na may luya’t bawang ay nilagyan ng mga piraso ng hilaw na papaya at upo. Nakilala itong tinola. Isang higit na matipid na putahe ngunit may linamnam ang mainit na sabaw na hihigop-higupin kung malamig ang panahon.


Tandaan ang tinola sa malaking piging na handog ni Kapitan Tiyago sa pagdating ni Crisostomo Ibarra.


Nagustuhan din ng mariwasa sa panahon pa ni Rizal ang linamnam ng sabaw ng tinola. Mula sa paghahanap ng bagong linamnam ng sabaw ng manok maaaring pumasok ang binakol.


Nagsisimula din ito sa ginisang luya’t bawang at ang mga piraso ng manok. Kapag halos luto na ang manok ay magbuhos ng ilang tasa ng hugas-bigas.


Sa wakas, kapag maaari nang ihain ang manok ay idagdag ang malalaking piraso ng kinayod na lamán ng búko ng niyog, ilang tasa ng sabaw ng búko, at mga dahon ng sili.


Ang mga sariwang piraso ng laman at sabaw ng buko ang ikinaiba ng binakol sa mga sabaw ng
iba’t ibang nilagang manok.


Pinagmulan: Kermit Agbas


Mungkahing Basahin: