Ano ang Adobo?
Sa Espanyol, ang orihinal na adobo ay tinimplahan sa langis, bawang, at oregano.
Ngunit marami ang nagpapalagay na ang putaheng ito ng mga Filipino ay nagmula sa bansang Mexico. Sa Oaxaca, Mexico ang karne ay ibinababad sa sili, bawang, sidrang sukà, tomílyo (thyme), dahon ng lawrel, dahon ng abokado, oregano, itim na pamintang buo, at kanéla.
Sa kabilâng dako, marami din ang nagtuturing na “pambansang ulam” ang adobo. Narito na ito diumano at tinawag lámang na “adobo” ng mga Espanyol dahil kahawig ng alam nilá.
Hindi rin magkasundo sa mga rekado nitó. Iginigiit ng mga tradisyonalista na dapat itong lagyan ng asin, isang sangkap na napalitan ng toyo at ipinalalagay na impluwensiya ng mga Tsino.
Iba-iba ang adobo sa iba-ibang kusinera at iba-ibang lugar. Isang restoran ang sikát sa adobong baboy na may pritong taho, at pusit na pinakuluan sa sukà at toyo.
Sa Batanes, ang lúnyis o adobo ng mga Ivatan ay may asin lámang. Mabisàng paraan ang adobo para sa pag-iimbak ng karne para hindi ito masira noong wala pang repridyireytor.
At kahit ngayon kung walang imbakan. Maaaring adobuhin ang karneng baboy, báka, manok, isda, at kahit gulay. Maaasahang handa ito sa mga tahanan kung pista at báon sa piknik o mahabàng biyahe.
Noong 1898, sa inaugurasyon ng Unang Republika ng Filipinas ay nása wikang Pranses ang menu ng grandeng hapunan. Isa sa handa ang “Abatis de Poulet a la Tagale” na kung isasalin ay “adobong atay at balumbalunan.” Kataká-taká bang tawaging “Adobo Country” ang Filipinas?
Pinagmulan: Kermit Agbas (isang guro sa isang mataas na paaralan sa Mindoro Oriental)
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ano ang Adobo? "