On
Ang taho ay isang popular na pagkaing Filipino. Gawa ito sa giniling na utaw (soya) na pinakukuluan hanggang sa lumapot at mabuong parang gulaman, at karaniwang hinahaluan ng arnibal at sago.


Ipinakilala ng mga Tsino sa Pilipinas ang matamis na pagkaing-inuming ito.


Hindi nawawala sa mga lansangan ng bansa ang magtataho, ang taong naglalako at sumisigaw ng “Tahooooo! Tahooooo!” na may pataas na tinig. Nakapatong sa kaniyang balikat ang mahabang pingga, at nakasabit sa magkabilang dulo nito ang dalawang baldeng yari sa aluminyo.


Nilalaman ng mas malaki ang soya/tofu, at nasa mas maliit ang arnibal at sago. May nakasabit ding supot na naglalaman ng mga basong plastik, may mas malaki at mas maliit, depende sa badyet ng kostumer, pero puwede ring gamitin ang baso o tasa ng bumibili. Gamit ang isang mababaw na sandok, tatanggalin niya at itatapon sa daan ang hapaw na tubig sa ibabaw ng soya bago sumalok ng ilalagay sa baso.


Pagkatapos, gagamit siya ng mahabĂ  at manipis na sandok upang kumuha ng arnibal at sago na ihahalo nang bahagya sa soya. Marami ang kostumer na hihingi ng dagdag-tamis sa kaniyang taho!


Kadalasan ay may sinusundang ruta ang isang magtataho, ang ruta na may mga suki siya at gamay niya ang mga daan at komunidad. Umiikot ang magtataho sa umaga at sa hapon, bagaman may ibang naglalako din sa gabi.


Masarap ang taho lalo kapag mainit, kaya bagay itong inumin kapag panahon ng tag-ulan o kaya ay bilang pampagising. (Mataas sa protina ang soya, at siguradong pampagana ang tamis ng arnibal!) Bahagi ito ng almusal at meryenda ng maraming Filipino.


Sa Lungsod Baguio, lalo sa Liwasang Burnham, inilalako ang strawberry taho, na gumagamit ng likidong strawberry sa halip na arnibal. Mayroon ding barayti na tsokolate at buko pandan sa ibang lugar at espesyal na tindahan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr