On
Ang bawang (Allum sativum) ay isang mababang yerba na lumalaki lamang ng hanggang 60 sentimetro ang taas.


Ang dahon nito ay tuwid at makinis. Ang isang ulo ng bawang ay may 4-20 malalaking bulbo. Ito ang kalimitiang ginagamit sa panggagamot o kaya naman sa pagluluto.


Ang yerbang ito ay isa sa pinakamaraming gamit sa larangan ng panggagamot sa Filipinas. Karaniwan din itong matatagpuan sa mga kusina dahil ginagamit itong sangkap sa pagluluto.


Ang Philippine bawang o barayti ng bawang sa Filipinas ay mas maanghang kaysa mga iniaangkat. Ang bisa ng bawang sa panggagamot ay napatunayan na noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig nang gamitin ito sa paggamot sa mga sugat at impeksiyon ng mga sundalo. Ang bawang ay may mga kemikal gaya ng allicin at asupre kaya ito at mabisang gamot sa mga iba’t ibang mga sakit.


Ang bawang ay malawakang itinatanim sa Batangas, Nueva Ecija, Ilocos Norte, Mindoro at Cotabato. Madalîng magpatubo ng bawang kaya maaari itong paramihin buong taon. Hindi din ito inaatake ng mga peste at sakit. Maaari itong itanim nang magkakatabi. Mag-iwan lamang ng katamtamang puwang para sa paglaki ng mga ulo nitó.


Dahil sa ginagamit din ito sa pagluluto, ang bawang ay mabibili kahit sa mga palengke at maliliit na tindahan. May nabibili na din ngayong bawang na ginawang tableta o nasa kapsula, tsaa, o pinulbos.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: