Ano ang digman?


Ang digman (Hydrilla verticillata) ay maliit na yerba na nabubuhay sa tubig, maraming sanga, at payat na manipis ang dahon. Mula ito sa pamilyang Hydrocharitaceae at genus na Hydrilla na kinabibilangan ng halamang tubig.


Nakatatagal ito sa mataas na nibel ng salinidad. Dahil dito, matatagpuan ang digman sa iba’t ibang tubigan sa Asia, Europa, Afrika, Amerika, at Australia.


Ang H. verticillata ay halamang nakalubog sa tubig. Lumalaki ito at bumubuo ng tila makapal na banig sa tubig. Mayroong tangkay na humahabà nang 25 piye. Ang dahon ay nakaayos sa isang kulumpon ng apat hanggang walo mula sa tangkay, may haba ang bawat isa na 5-20 mm at lapad na 0.7-2 mm, at mayroong mga tila ngipin sa gilid.


Ito ay monoecious, ang lalaki at babaeng bulaklak ay umuusbong nang hiwalay sa isang halaman. Maliliit ang putî at pulang bulaklak nito na may tatlong sepal at tatlong talulot na may habàng 3-5 mm.


Ginagamit ito sa paggamot ng mga pamamaga na may nana, bukol, at sugat. Ang pinatuyong pulbos ng digman ay inilalagay sa hiwa at sugat upang mapabilis ang paggalíng.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: