Amarilyo
Ang amarilyo (Tagetes patula) ay isang yerba na may halimuyak ang salitsalit na dahon; dilaw, mamula-mula, at malago ang bulaklak; at tumataas nang 60 sentimetro.
Nagmula sa Espanyol na amarillo ang pangalan nito at katutubo sa Mexico. Kilala rin ito sa Filipinas bilang marigold na nasa genus na Calendula Tagetes.
Ang mga dahong hugis sibat ng amarílyo ay makikitid at may ngipin-ngipin ang mga gilid; magkakapares ang mga dahon sa bawat tangkay. Ang langis na nagmumula rito ay ginagamit na pampalasa sa pagkain. Paisa-isa naman ang bulaklak sa bawat tangkay na umaabot sa kalahating pulgada ang diyametro ng mga talulot.
Makakain ang bulaklak ng amarílyo, at maaaring ihalo sa mga pampalamig. Ang mga natuyong bulaklak ay ginagamit ding pamalit para sa mamahaling saffron, upang magbigay ng kulay-dilaw sa pagkain o tela.
Ilan sa katutubong gamit ng amarilyo ay ang pagpapakulo nito sa tubig para maibsan ang kabag. Ipinaiinom din ang katas nito para sa mga hindi matunawan, may ubo, nag-iiti, o may apad o pananakit o paninigas ng tiyan.
Ipinampapahid din ang langis nito para magkaroon ng ginhawa sa rayuma. Ang katas naman ay ipanggagamot sa sore eyes o bisil.
Ang mga katas ng ugat ng amarílyo ay pinaniniwalaang nakapapatay ng insekto sa lupa gaya ng mga bulate o suso. Ang halimuyak nitó ay nakapagbubugaw din ng mga langaw.
Karaniwang itinatanim at pinararami ang amarílyo rito sa Pilipinas bilang pampaganda ng kapaligiran.
Pinagmulan: NCCAOfficial | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Amarilyo "