Ang dama de noche (dá·ma de nó·tse) ay isang palumpong na gumagapang paakyat, namumulaklak, lumalaki ng dalawa hanggang tatlong metro, at may mahaba at nakalaylay na mga sanga.


Ang mga dahon ay pahaba, may walo hanggang sampung sentimetro, at patulis ang dulo. Maramihan ito kung mamulaklak, mga payat ang talulot, dilaw-lungtian ang kulay, at may habang dalawa hanggang tatlong sentimetro. Gabi kung bumukad at humalimuyak ang mga bulaklak kaya tinawag itong gayon, “binibini ng gabi.”


May pangalan itong siyentipiko na Cestrum nocturnum Linn at tinatawag na night jesamine sa Ingles.


Katutubo ito sa tropikong Amerika ngunit laganap na itinatanim ngayon sa Filipinas dahil sa mahalimuyak na bulaklak. May uri itong nakalalason sa hayop at nagdudulot ng lagnat at kombulsiyon. Gayunman ang katas nito ay naigagamot laban sa spasm at epilepsi. May pag-aaral sa extracts ng Cestrum nocturnum na nagsasabing isa itong antioksidant at mabisang pampuksa sa larva ng lamok dengge.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: