Sabila
Tumataas ito ng 30-40 sentimetro. Ang dahon ng sabila at nagmumula sa lupa, makinis, makapal, malaman at may sukat na 20-50 sentimetrong habà at 5-8 sentimetrong lapad. Mapusyaw na berde ang kulay nito na may batik-batik na kulay putî at may mga tinik sa gilid. Namumulaklak ito ng kulay dilaw, na isang klase ng pumpon ng bulaklak na ang mga bulaklak sa gitnang axis ay walang tangkay at may sukat na 2-3 sentimetrong habà. Nabubuhay ito sa mainit at tuyong klima.
Ang sabila ay tinatawag ding “miracle plant” o “natural healer” dahil sa dami nitong gamit.
Merong 400 ispisis ng Aloe pero ang Aloe Barbadensis Miller na ispisis ang kalimitang ginagamit ng tao dahil sa katangian nitong maaaring gawing gamot. Ipinapahid ito sa mga paso at pangangati sa balat kaya tinatawag itong “burn plant.”
Napapanariwa din ng sabila ang balat at mabisa itong gamitin ng mga taong nanunuyo ang balat. Ginagamit ito ng mga may hika sa pamamagitan ng paglanghap ng pinakuluang tubig na may katas ng sabila. Mabisa din itong pampurga, sa mga pananakit ng ulo at ubo. Pinakamabisang gamitin ang sabila pagkakuha nitó sa halaman.
Sa Pilipinas, maraming tawag sa sabila, gaya ng dilang-buwaya sa Bikol, dilang-halo sa Bisaya, at sabila-pinya sa Tagalog.
Pinaniniwalaang ang sabila ay nagmula sa Afrika.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Sabila "